ni Bert de Guzman
ISA na ngayong teroristang organisasyon ang Kilusang Komunista ng Pilipinas matapos lagdaan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang isang proklamasyon na nagkaklasipika sa Communist Party of the Philippines at sa armadong sangay na New People’s Army bilang terrorist groups kasunod ng kanselasyon ng usapang-pangkapayapaan sa mga rebelde.
Inakusahan ni Mano Digong ang CPP-NPA nang kawalan ng sinseridad sa pakikipag-usap sa gobyerno sapagkat patuloy ito sa pananambang, pagpatay, pagbihag sa mga sundalo at pulis habang nanununog ng heavy equipment ng construction companies sa maraming panig ng bansa.
Matagal nang hinihintay ng mga Pinoy na dumistansiya si PRRD sa kilusang komunista sapagkat hindi naman daw para sa taumbayan ang isinusulong at ipinakikipaglaban ng CPP-NPA. Nagkakamali raw si PDU30 na baka bumilib sa kanya ang mga Pinoy kung siya ay makikipagmabutihan sa mga komunista.
Hindi naniniwala ang malaking bilang at porsiyento ng mamamayang Pilipino sa CPP-NPA sapagkat ang grupong ito ay isang “godless ideology”, hindi naniniwala sa Diyos bagkus ay higit sa paniniwalang ang puwersa o kapangyarihan ay nasa “barrel of a gun”.
Isang pa ring aktibista, si Fr. Marcelito “Tito” Paez, 72, dating kura paroko sa Guimba, Nueva Ecija at coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines sa Central Luzon, ay tinambangan at napatay ng ‘di kilalang mga armadong lalaki sa Jaen, Nueva Ecija noong Lunes.
Batay sa report, si Paez ay lulan sa kanyang sasakyan sa Jaen-Zaragoza Road nang harangin ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo at pinagbabaril sa Barangay Lambakin. Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang 72-anyos na pari at namatay sa Gonzales General Hospital sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Tinatanong ako ng mga kasamahan sa kapihan kung ang pananambang at pagpatay kay Fr. Paez ay isa na namang insidente ng tinatawag na “riding-in-tandem”. Aba, ewan ko. Dapat ay itanong natin ito kina Pres. Rody at sa kanyang paboritong pulis, si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Malapit nang magretiro si Gen. Bato. Nakatakdang mamahinga sa serbisyo ang “favorite cop” ni Pres. Rody sa Enero 21, 2018. Batay sa mga usapan, ang ipapalit kay Bato ay ang Number 2 man sa PNP. Siya ay si Deputy Director General Ramon Apolinario o Sir Apol. Ang pagpalit ni Apolinario kay Bato, na 56-anyos na sa Enero 18, ay inihayag ni Supt. Ercy Nanette Tomas, legal officer ng PNP Center for Police Strategic Management, sa 3rd PNP National Advisory Council Summit na ginanap sa Waterfront Hotel and Casino, Lahug, Cebu City.
Tahasang sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang tinatarget lang ng drug war ni Pres. Rody ay “small-time drug suspects” at hindi ang “big fish” tulad ng Filipino-Chinese importers. Sa pagtatanong ni Carpio kay Solicitor General Jose Calida kaugnay ng petisyon sa SC laban sa Double Barrel ng PNP at sa “Masa Masid” ng DoJ at LGU, tinanong niya si Calida kung bakit sa anti-drug campaign ay parang naka-focus lang sa “street level pushers and users” gayong ang drug trade ay dominado ng mga Intsik at Filipino-Chinese drug lords. Well, itanong natin ito sa ating Pangulo.