Nina FER TABOY at NONOY LACSON

Sampung sundalo ang nasugatan habang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa pambobomba sa Maguindanao, at sa engkuwentro sa Zamboanga del Sur nitong Biyernes.

Pitong sundalo ng Philippine Marines, kabilang ang isang opisyal, ang nasugatan makaraang pasabugan at tambangan umano ng NPA sa Barangay Mirab sa North Upi, Maguindanao.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Major Romulo Ducay, Cpl. Alvin Jay G. Sangadan, Cpl. Arnel M. Jun, Pfc. Johnny P. Panday, Pfc. Gerwin G. Perez, Cpl. Oliver B. Albo, at Cpl. Ryan F. Cabual.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa report, sakay ang mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-5) sa isang KM450 military truck nang mangyari ang pagsabog sa Bgy. Mirab sa North Upi, habang nagpapatrulya ang mga ito.

Sumiklab ang engkuwentro sa mabilis na ring pagresponde ng iba pa nilang kasamahan, hanggang sa tumakas ang mga rebelde.

Kaagad na isinugod sa Camp Siongco Hospital sa Bgy. Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ang mga sundalo.

Sinabi ng North Upi Municipal Police na mga miyembro ng NPA, sa ilalim ng Far South Mindanao Regional Committee, ang nag-ambush sa Philippine Marines, bagamat napaulat na pinaghihinalaan din sa mga pambobomba ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Nauna rito pasado 11:00 ng gabi nang pasabugan din ang tapat ng isang police detachment sa Bgy. Nuro na ikinasugat ni PO2 Esmael Alabat.

May natanggap ding report ang militar na nagsasagawa umano ng recruitment ang NPA sa North at South Upi sa Maguindanao, partikular na ang mga katutubong Tiduray.

Magtatanghali naman nitong Biyernes nang masugatan ang tatlong tauhan ng Philippine Army sa tatlong-oras na pakikipagbakbakan sa NPA sa kabundukan ng Lakewood sa Zamboanga del Sur.

Ayon kay Joint Task Force ZamPeLan Commander Brig. Gen. Roseller Murillo, nakaengkuwentro ng mga operatiba ng 53rd Infantry Battalion ang nasa 30 rebelde sa Bgy. Gasa, Lakewood, bandang 11:10 ng umaga nitong Biyernes.

Sinabi ni Murillo na sa clearing operations sa lugar ng bakbakan ay natagpuan ng militar ang bangkay ng isang rebelde, at batay sa dami ng bakas ng dugo sa lugar na tinakasan ng NPA ay naniniwala ang mga awtoridad na maraming nasugatan sa panig ng mga kaaway.

Nakakumpiska rin ang Army ng isang M16 rifle, isang M4 rifle, isang M203 grenade launcher, apat na rifle grenade, dalawang magazine ng M16, dalawang magazine ng AK47, dalawang Motorola commercial radio, mga gamot, watawat ng NPA, at mga personal na gamit ng mga rebelde.