Ni Mary Ann Santiago

Bumuo ang Department of Health (DOH) ng isang grupo na tututok sa isyu ng Dengvaxia, ang bakuna kontra dengue na itinurok sa mahigit 733,000 estudyante sa ilalim ng school-based immunization program ng gobyerno.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang Task Force Dengvaxia ang magbabantay at tutugon sa kalusugan ng mga naturukan ng kontrobersyal na bakuna.

Binubuo ito ng matataas na opisyal ng DOH Central Office, mga opisyal ng kagawaran sa mga apektadong rehiyon at mga kaugnay na ahensiya nito, kabilang ang Food and Drug Administration (FDA), PhilHealth, at National Children’s Hospital.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pag-aaralang muli ng task force ang Dengvaxia pati na ang mga bagong datos o ebidensya kaugnay sa isyu ng kaligtasan nito. Mayroon din itong legal team na tututok sa pananagutan ng manufacturer na Sanofi Pasteur.

Ang resulta ng magiging pag-aaral ng Task Force ang gagamiting batayan ng DOH kung ano ang susunod na hakbang sa dengue program ng pamahalaan.