Ni NITZ MIRALLES
HINDI pala imbitado si Ruru Madrid sa birthday party ni Gabbi Garcia, kaya pala wala siya sa pictures ng mga bisita ng ka-love team na ipinost ni Gabbi sa social media.
Hinanap kasi si Ruru ng fans nila ni Gabbi sa picture at inakalang hindi lang nakasama sa picture-taking.
Tinanong namin si Ruru tungkol doon nang makita namin siya sa pa-Christmas Party ni Manila Congressman Yul Servo at ng Production 56 Artists, ang kanilang management company headed by Direk Maryo J. delos Reyes.
Parang nagulat pa si Ruru na may party pala si Gabbi at feeling namin, that time, hindi pa niya natsi-check ang Instagram ng ka-love team dahil hindi niya alam na may ipinost na picture si Gabbi.
“Hindi ako invited,” sabi ni Ruru na in fairness, hindi namin kinakitaan ng pagkalungkot o tampo. Ang hindi namin naitanong ay kung totoong hindi rin niya inimbitahan si Gabby sa birthday celebration din niya.
Magkasunod kasi ang birthday nilang dalawa, nauna si Gabbi noong December 2 at sumunod si Ruru nitong Dec. 4, kaya sabi ni Marian Rivera, soulmates sila at bagay silang dalawa.
Samantala, nang hubarin ni Ruru ang suot na jacket habang kumakanta sa Christmas party, nakita ng press people ang magandang katawan niya.
“Matagal bago ko na-achieve ang ganito kong katawan. Nag-Keto diet ako, nag-gym at nag-workout. Sumabak din ako sa Muay Thai training at iba pang martial arts. Nagsimula akong mag-training bago ko gawin ang Encantadia, itinuloy ko sa Alyas Robin Hood 2 at dito sa bagong primetime series,” kuwento ng young actor.
Binanggit ni Ruru na Sherlock Jr. ang title ng primetime series na pinagbibidahan niya sa GMA-7, pero parang hindi pa ‘yun ang final title dahil sinabihan daw siya na huwag munang babanggitin.
Ang final pa lang, ito ang ipapalit pagkatapos ng Super Ma’am ni Marian.