SASABAK sina Paralympians Adeline Dumapong-Ancheta at Agustin Kitan sa 2017 World Para Powerlifting Championships simula ngayon sa Mexico City.
Bubuhat si Ancheta sa women’s over 86kg category, habang lalahok si Kitan sa men’s up to 65kg category ng torneo na gaganapin sa Gymnasium Juan de La Barrera sa Benito Juarez Sports Complex.
“The competition is really tough. We are against the best of the best. There are over 300 lifters from 71 countries competing here,” pahayag ni Ancheta.
Ang World Para Powerlifting Championships, nagsimula nitong Nobyembre 29, ay isa sa qualifying tournaments para sa 2020 Tokyo Paralympics. Sina Ancheta at Kitan ay bahagi ng four-man Philippine delegation na sasabak sa torneo na pinangangasiwaan ng International Paralympic Committee.
Nauna nang sumabak sina Achelle Guion na pang-walo sa 13 kalahok sa women’s Up to 65kg category, habang si Romeo Tayawa ay ika-13 sa 18 kalahok sa men’s Up to 40kg category.
Kasama sa delegasyon sina coach Ramon Debuque at Philippine Paralympic Committee executive director Dennis Esta.
Ito ang ikaapat na world championships ni Ancheta. Nakopo niya ang record seventh gold medal sa 2017 Kuala Lumpur ASEAN Games nitong Agosto.
Si Ancheta ang unang Pinay na nagwagi ng medalya sa Paralympic Games nang makamit ang bronze sa Sydney, Australia.
Sumabak din siya sa 2004 (Athens, Greece), 2008 (Beijing, China), 2012 (London, Great Britain) at 2016 (Rio de Janeiro, Brazil).