Ni Bella Gamotea
Kinumpirma kahapon ng Konsulado ng Pilipinas sa California na walang Pilipinong nasaktan o namatay sa wildfires sa Amerika.
Ayon kay Ambassador Jose Manuel Romualdez, wala pa silang natatanggap na ulat na may nadamay na Pinoy sa wildfires na nagpapatuloy sa ilang bahagi ng California na sanhi ng puwersahang paglikas ng libu-libong residente.
Nabatid na mahigit 25,000 Pilipino ang nakabase sa katimugang bahagi ng California.
Isa pang sunog ang iniulat sa hilagang bahagi ng San Diego nitong Huwebes at patuloy itong inaapula ng mga bumbero na nagmula sa Los Angeles hanggang Pacific coast ng Santa Barbara county.
Puspusan pa rin ang pakikipag-ugnayan ng Konsulado sa Filipino Community sa California upang tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pinoy.
Una nang ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dapat paghandaan ng mga Pilipino sa California ang paglikas sakaling kailanganin dahil sa wildfires.