Nina MARIO B CASAYURAN, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at ELLSON A. QUISMORIO

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na hindi magkakaroon ng pang-aabuso sa mga karapatang pantao sa ilalim ng kanilang pamamahala sakaling pagbigyan ng Kongreso ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Ito ay matapos ihayag ng AFP na naisumite na nito ang kanilang rekomendasyon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kasunod ng rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) na palawigin ng isang taon pa ang martial law sa katimugan.

Ayon kay AFP spokesperson Maj. Gen. Restituto Padilla, handa ang AFP na sumalang sa anumang imbestigasyon kung kinakailangan, lalo na kasunod ng mga ulat ng mga pang-aabuso sa kasagsagan ng krisis sa Marawi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“For the period that we have implemented martial law in the whole of Mindanao, if there were any serious offenses committed by the military, we’re open to any investigation and we have said that,“aniya.

Isinusulong din ng Task Force Bangon Marawi ang pagpapalawig sa martial law sa Mindanao upang matiyak ang mabilis na rehabilitasyon ng lungsod na inilugmok ng digmaan.

MAY BANTA PA

Inihayag ng AFP na ang dahilan ng paghiling nilang extension ng batas militar sa Mindanao ay dahil sa tumitinding karahasan at banta sa seguridad at kaligtasan ng isla sa mga terorista, komunistang rebelde, at iba pang armadong grupo.

“The increasing violence initiated by the Left is part of the reason why martial law may be needed in order to cover areas where potential terrorists may be hiding,” paliwanag ni Padilla sa Task Force Bangon Marawi press briefing sa Malacañang kahapon. Ang kanyang tinutukoy ay ang New People’s Army (NPA).

Bukod sa mga komunistang rebelde, kailangan pa ring tugunan ang banta ng mga posibleng pag-atake sa hinaharap ng Daesh-inspired na mga terorista dahil sa mga ulat na nangangalap sila ng mga bagong miyembro.

Binanggit din ng military spokesman ang iba pang armadong grupo sa Mindanao, partikular ang Abu Sayyaf Group (ASG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

“We still face significant violent activities that are possible from the groups of the BIFF over in Maguindanao, Lanao and Cotabato. As well as the threats brought about by the existence, continued existence of ASG forces in the islands of Basilan, Sulu and Tawi-Tawi,” ani Padilla.

NEXT WEEK

Malalaman ang kapalaran ng martial law sa Mindanao sa susunod na linggo o sa final session dates ng Kongreso sa 2017, sinabi ng House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sa panayam ng DZRH radio nitong Huwebes, sinabi ni Alvarez na mayroon na lamang hanggang Disyembre 13 (Miyerkules) si Pangulong Rodrigo Duterte para pormal na hilingin sa mga mambabatas ang pagpapalawig ng martial law sa katimugan, kung nais niyang manatili pa ito matapos ang Disyembre 31, 2017.

Idineklara ni Duterte ang dalawang buwang martial law sa buong Mindanao noong Mayo 23 nang kubkubin ng 800 hanggang 1,000 teroristang Maute Group ang Marawi City, Lanao del Sur. Muli itong pinalawig ng Pangulo noong Hulyo 22.

Suportado ng karamihan ng mga mambabatas sa Mindanao ang pagpapalawig ng martial law sa kanilang lugar.

Nagpahayag din ng suporta ang Senate minority bloc sa pamumuno ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon kahapon.