NI Johnny Dayang
KAMAKAILAN lang, sa tinaguriang “Muslim tour de force” na ang sadyang layunin ay igiit at mapakinggan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing, libu-libong Moro ang lumahok sa Bangsamoro Assembly sa Sultan Kudarat, South Cotabato.
Sa naturang pagtitipong dinaluhan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang-diin kung bakit kailangang isulong ng Malacañang ang adyenda sa pederalismo upang mabigyan ng pagkakataon ang pangarap ng Muslim Mindanao na magkaroon ng matibay na sandigang batas at karapatang lilukin ang kinabukasan nito sa paraang legal.
Maraming kaisipan kung paano maisusulong ang pederalismo kung ito’y maaaprubahan. Matapos ang mahabang karanasan sa republikanismo at mga kahinaan nito, nagkakaroon ng lumalakas na suporta ang pederalismo mula sa iba’t ibang sektor ngunit ang katuparan nito ay nakasalalay pa rin sa mga mambabatas natin sa Kongreso.
Bagamat tanggap ng karamihan ang malakas na impluwensiya ni Pangulong Duterte sa kung paano boboto ang Kamara kapag umabot na ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa plenaryo, maaasahan pa rin ang maaaring malakas na pagkontra sa nais niya mula sa mga rehiyong labas sa Mindanao.
Ang pag-aatubili ng maraming mambabatas na suportahan ang hakbang na ito para sa Muslim Mindanao sa ilalim ng isang sistemang pederal ay tuwinang idinadatos sa mga paghihigpit ng 1987 Constitution. Kasama rito ang prubisyon sa paglikha ng ARMM na malimit ay binibigyan ng iba’t ibang interpretasyon ng mga dalubhasa sa batas, at kung paano tatalakayin at ipatutupad ang BBL.
Inaasahang magbubukas ng marami at positibong mga oportunidad ang pagsasabatas ng BBL para sa mga taga-Mindanao, lalo na ang mga Moro na isulong at magkaroon ng kaganapan ang kanilang mga pangarap para sa intinuturing nilang “homeland” o sariling lupang tahanan. Kung may mga paghihinala na gagawing daan ang BBL para humiwalay sa bansa ang Mindanao, binigyang linaw ni Pangulong Duterte ang isyung ito.
Kaugnay ng itinutulak na pederalismo at BBL, maliwanag ang mensahe ng Pangulo: “Iisang republika. Walang kundisyon.
Tanging isang gobyerno ang makapangyarihan. Ihahahalal ang mga opisyal. At mayroon kayong mga kinatawan sa Kongreso.”
Ang karapatan ng mga Moro na magkaroon ng isang gobyernong lokal na makatutugon sa kanilang mga aspirasyon sa loob ng itinuturing nilang sariling lupang tahanan, sa ilalim ng iisang pambansang pamahalaan ay hindi na dapat pagdebatehan.
Sa halip, kailangang makita ng mga Pilipino ang “wisdom” at tunay na larawan ng pagpupunyagi ng Mindanao, gaya ng sinisikap na ihatid ng Bangsamoro Assembly.
Sa totoo lang, ang BBL ay para sa lahat ng taga-Mindanao – Moro, Kristiyano at iba pang katutubo.