INIIMBESTIGAHAN na ng World Health Organization (WHO) ang kaso ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia kasunod ng nadiskubre na sa 730,000 Pilipinong batang mag-aaral na naturukan ng bakuna noong 2016, nakapag-ulat ng “adverse effects” sa 997 sa mga ito, 30 ang kinakailangang maospital, at apat ang nasawi. Ipinatigil na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas ang pagbili ng nasabing bakuna at sinuspinde na rin ang pagbabakuna ng Department of Health laban sa dengue.
Nagpalabas ng pahayag ang French vaccine manufacturer na Sanofi Pasteur at sinabing ang Dengvaxia ay para lamang sa mga dinapuan na ng dengue, at kung ibibigay sa taong hindi pa nagkaroon ng nasabing sakit, maaari itong magdulot ng “severe dengue”. Sinabi ng kumpanya na nagsasagawa na ito ngayon ng detalyadong pagsusuri sa problema sa pakikipagtulungan ng University of Pittsburgh. Inihayag ng WHO na magsasagawa ng “full review” ang mga eksperto nito bago matapos ang kasalukuyang taon.
Paksa ng mga hakbanging ito ang programa ng Pilipinas na inilunsad sa mga huling buwan ng administrasyong Aquino, sa layuning mabakunahan ang nasa isang milyong mag-aaral sa elementarya sa bansa. Unang inilunsad ang programa sa tatlong rehiyon — sa Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon. Sa Metro Manila nagkasakit ang 997 matapos mabakunahan, habang apat ang nasawi sa Bulacan at Bataan.
Kakailanganing harapin ng Pranses na kumpanya ng bakuna ang World Health Organization sa posibilidad na papanagutin ito sa paglalabas ng bakuna sa publiko nang walang kaukulang babala sa mga limitasyon at posibleng panganib nito.
Mistulang ngayon pa lamang nagsasagawa ng detalyadong pagsusuri sa epekto ng nasabing bakuna — matapos itong ibenta sa Pilipinas.
Kakailanganin ding imbestigahan ang mga opisyal ng Pilipinas na nasa likod ng pagbili sa nasabing bakuna, na umabot sa P3.5 bilyon. Bakit napakalaki naman ng halaga na kinailangang gastusin para sa isang bagong produkto na hindi pa lubos na nasusuri ang bisa, at wala ring sertipikasyon mula sa WHO at sa iba pang international health organization?
Paanong gumastos ang mga opisyal na ito ng P3.5 bilyon sa proseso ng bidding at pagbili na karaniwan nang inaabot ng ilang buwan para maisakatuparan?
Antabayanan natin ang mga natuklasan sa pananaliksik ng World Health Organization at ng mismong Sanofi; makaaapekto ang mga ito sa kahihinatnan ng bakuna na isinapubliko nang hindi tiyak ang kaligtasan. Higit na mas mahalaga sa atin ang buhay ng mga batang mag-aaral at ang kalusugan ng libu-libong iba pa na nakaantabay din kung mapagtatagumpayan nila ang programang ito ng pamahalaan na hindi muna masusing pinag-isipan.