Ni Rizaldy Comanda

CAMP DANGWA, Benguet – Inaresto ng mga operatiba ng Sabangan Municipal Police sa Mountain Province ang 16 na katao at nakumpiska sa mga ito ang bultu-bulto ng marijuana bricks, stalks, at bowdlerized marijuana.

Ayon sa mga report na natanggap mula sa Police Regional Office (PRO)-Cordillera, nakatanggap ng tip ang pulisya nitong Disyembre 4 ng gabi na isang puting Hi-Ace Grandia (A2-N747) ang bibiyahe sa Sabangan Road patungong Baguio City, at kargado ito ng bultu-bulto ng marijuana.

Nakabantay ang mga awtoridad sa checkpoint sa national road, sa Sitio Todey, Barangay Poblacion, nang maharang ang sasakyan na minamaneho ni Bayani Malang, 54, taga-Tondo, Maynila.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa visual search, nakaamoy ng marijuana ang mga awtoridad kaya agad silang nag-inspeksiyon at nadiskubre nila ang isang transparent cellophane na may hinihinalang dahon ng marijuana na tumitimbang ng 50 gramo, mula sa bag ng isa sa mga pasahero.

Gayunman, tumanggi ang mga pasahero na buksan ang mga bag sa compartment ng sasakyan kaya kumuha pa ng search warrant ang mga operatiba.

Kinilala ang mga pasaherong sina Ricky Pinlac Perez; Marvin Canlas Garza; Miko Flores Miranda; at Jaymar Cruz De La Cruz, pawang 18 anyos; Ezekiel Radin Tiu, 20; Mark Santiago Sarmiento, 21; Niko Cwaling Yumol, 21, lahat taga-Tondo, Maynila; Jireh Rose Daniaguel De La Cruz, 19, ng Montalban, Rizal; Abigail Baldric Del Fierro, 23, ng Project 6, Quezon City; Nneka Anastasia Okonkwo, 23, tubong Nigeria, at taga-San Fernando City; at Stephanie Mangaoang Gapuz, 27, ng San Fernando, La Union. Pawang estudyante ang mga pasahero, bukod sa apat pang menor de edad.

Nang makakuha ng warrant kinabukasan, nasamsam ng mga pulis mula sa loob ng sasakyan ang 56 suspected marijuana bricks, apat na bundle ng stalks, at isang plastic na may hinihinalang pinulbos na marijuana.

Kaagad na in-inquest ang mga suspek, habang ang mga menor de edad ay dinala sa kustodiya ng Local Social Welfare Office ng Sabangan, samantala sinusuri na ang mga produktong marijuana sa Regional Crime Laboratory Office.