ISASAGAWA ng Kongreso sa Disyembre 13 ang huling regular session nito ngayong taon bago magbakasyon sa Disyembre 15 para sa Pasko. Sa susunod na mga araw, kinakailangang resolbahin ng ating mga senador at kongresista ang mga hindi nila pinagkakasunduan sa Pambansang Budget para sa 2018. Kung hindi, nagbabala ang mga pinuno ng Kamara de Representantes na mapipilitan silang pagtibayin ang budget ng bansa noong 2017.
Nangangahulugan ito na maraming programang pinlano para sa 2018 — partikular ang pangunahing programang pang-imprastruktura na “Build, Build, Build” — ang kakailanganing ipagpaliban hanggang sa mapaglaanan ito ng pondo, marahil sa supplemental budget.
Setyembre 12 pa lamang ay inaprubahan na ng Kamara ang pambansang budget na P3.767 trilyon. Makalipas ang dalawang buwan, Nobyembre 29, inaprubahan naman ng Senado ang bersiyon nito ng panukalang budget. Dalawang malaking pagbabago ang isinagawa ng Mataas na Kapulungan.
Una, tinapyas ng Senado ang P50.7 bilyon mula sa budget ng Department of Public Works and Highways na pambayad sa Road Right of Way (RROW) sa mga proyekto sa Region 12 — sa South Cotabato, Cotabato City, North Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City (SOCCSKSARGEN). Siyam na kongresista mula sa rehiyon ang nag-akusa na ilang transaksiyon na kinasasangkutan ng bilyun-bilyong pisong sinisingil sa right-of-way claims ang nakukulapulan ng iregularidad.
Ang ikalawang malaking pondo na tinanggal ng Senado ay ang P900 milyon para sa kampanya kontra ilegal na droga ng Philippine National Police (PNP), at P500 milyon para sa hiwalay na kampanya kontra droga ng Department of Interior and Local Government (DILG). Sa halip, inilaan ng Senado ang nasabing mga pondo sa pabahay para sa mga pulis at sundalo.
Ang una ay tumutukoy sa usapin ng kurapsiyon at sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mag-iimbestiga ang pamahalaan sa right-of-way claims na may posibilidad umanong nababahiran ng anomalya. Sa ikalawa, walang nakikitang dahilan ang mga senador upang bigyan ang PNP ng P900 milyon para sa pagpapatupad nito ng kampanya kontra droga, dahil itinalaga na ni Pangulong Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang pangunahan ang nasabing kampanya.
Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na idedepensa nila ang bersiyon ng Kamara sa panukalang budget kahit pa may posibilidad na magkaroon na lamang ng reenacted budget para sa 2018. Gayunman, naniniwala si Sen. Loren Legarda, chairperson ng Senate Finance Committee, na mareresolba ng bicameral conference committee ang mga hindi pinagkakasunduan ng dalawang kapulungan.
Hindi naman mahirap resolbahin ang mga pagkakaibang ito. Ang paglalabas ng pondo para sa RROW ay maaaring isaalang-alang na lang sa magiging resulta ng isinasagawang imbestigasyon. Tungkol naman sa pondo ng PNP kontra droga, ibinalik na ni Pangulong Duterte nitong Martes ang aktibong pakikibahagi ng pulisya sa nasabing kampanya, bagamat nananatiling PDEA ang pangunahing nagpapatupad nito.
Kumpiyansa si Senator Legarda na kapag nagharap-harap na ang mga senador at kongresista sa bicameral conference committee para talakayin ang budget sa Disyembre 11 o 12, ay mapagkakasunduan ng mga ito ang panukalang 2018 National Budget na maihahanda upang pirmahan ng Pangulo bago matapos ang taong ito. Ganito rin ang inaasam natin.