Ni Betheena Kae Unite, Ina Malipot, at Mary Ann Santiago
Hindi inirekomenda ng World Health Organization (WHO) sa mga bansang gaya ng Pilipinas ang paggamit sa kauna-unahang bakuna kontra dengue sa mundo.
“The WHO position paper (published in July 2016) did not include a recommendation to countries to introduce the dengue vaccine into their national immunization programs,” saad ng WHO sa position paper nito na may petsang Disyembre 5, 2017.
“Rather, WHO outlined a series of considerations national governments should take into account in deciding whether to introduce the vaccine, based on a review of available data at the time, along with possible risks,” saad pa.
Taliwas ito sa naging pahayag ni dating Health Secretary Janette Garin na nagsabing ang bakunang Dengvaxia ay inirekomenda ng mga lokal at pandaigdigang health experts, kabilang na ang WHO.
“The dengue vaccine program was implemented by DoH [Department of Health] in line with WHO guidelines and recommendations from both local and global experts. Dengue, affecting 90 to 93 percent of the population in the recommended and targeted areas, was addressed as our government obligation to respond,” sinabi ni Garin kamakailan.
Abril 2016 nang ilunsad ni Garin ang school-based dengue vaccination program sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, at mahigit 700,000 bata ang nabakunahan ng Dengvaxia.
Suportado naman ng WHO ang suspensiyon ng pagbabakuna kontra dengue sa Pilipinas, kasunod na rin ng pag-amin ng lumikha rito, ang Sanofi Pasteur, na epektibo lamang ang bakuna sa mga dati nang nagkaroon ng dengue.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng monitoring ang DoH at Department of Education (DepEd) sa mga batang naturukan ng Dengvaxia.
Hiniling din ni Education Secretary Leonor Briones ang tulong ng mga magulang at guardian upang matulungan ang kagawaran sa monitoring sa mga batang nabakunahan.
Naglunsad naman ang DoH ng dalawang service hotline para sa mga katanungan kaugnay ng Dengvaxia: (02) 711-1001 o (02) 711-1002.