Ni Aaron B. Recuenco

Nangako ang Philippine National Police (PNP) na gagawin ang lahat ng kinakailangan upang matiyak na hindi na magiging marahas at madugo ang drug war ng gobyerno, ngayong nagbalik na ang pulisya bilang katuwang sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga.

“The Chief PNP (Director General Ronald dela Rosa) wants to take all the necessary precautionary measures to ensure that it will be less bloody, that suspects are captured alive,” sinabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, sa panayam ng DZMM.

“Our operatives will strictly use body cameras in every conduct of operations for transparency. We are expediting the procurement,” dagdag pa ni Carlos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabatid na sumailalim din sa training ang mga operatiba ng pangunahing anti-narcotics unit ng PNP, ang Drug Enforcement Group (DEG), ilang araw bago ihayag ni Pangulong Duterte nitong Martes ang pagbabalik ng pulisya sa kampanya kontra droga.

Martes ng gabi nang ideklara mismo ni Pangulong Duterte ang pagbabalik ng PNP bilang katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagpapatupad ng war on drugs.

Matatandaang Enero ngayong taon nang bawiin sa PNP ang pagpapatupad ng drug war dahil sa kontrobersiya sa pagdukot at pagpatay ng ilang pulis sa South Korean executive na si Jee Ick Joo, gamit ang kunwaring anti-illegal drugs operation. Makalipas ang ilang linggo, muling ibinalik ang PNP sa kampanya.

Oktubre 10 nang muling alisin ng Pangulo ang PNP sa drug war kasunod ng serye ng pagpatay ng mga pulis-Caloocan sa ilang menor de edad sa mga operasyon nito.