Ni Marivic Awitan

MATAPOS ang matagumpay na mga cycling events sa England, nais ng British life insurer Pru Life UK na madala ito sa Pilipinas na nakatakda nilang simulan sa susunod na taon.

Titipunin ng PRUride PH 2018 ang mga pinakamahuhusay na mga riders ng bansa gayundin sa mga karatig bansa sa Southeast Asia para sa target nilang 5,000 bilang ng mga kalahok -- professional at amateur -- sa dalawang competition legs.

“We were inspired by the positive turnout in London and we are making it bigger and grander than 2016,” wika ni Allan Tumbaga, Pru Like UK senior vice president at chief marketing officer.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“More than a gathering of the country’s most passionate cyclists, PRUride PH 2018 continues our company’s commitment to promote responsible and safe cycling,” aniya.

Ang PRUride PH 2018 ay idaraos sa Enero 11 -14, 2018 sa Subic Bay Freeport Zone at Enero 21 sa McKinley West sa Taguig.

Accredited din ang event ng Union Cycliste International (UCI)-bilang class B event at nasa ilalim ng sanction ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).

Para sa unang leg, babagtasin ng mga kalahok ang Central Luzon mula Subic hanggang Bataan habang ang second leg ay mistulang pag -ulit ng 2016 Criterium races sa Taguig.

May kabuuang 36 na racing activities ang naka - schedule para sa event kung saan ang mga beteranong siklista na sina Marella Salamat at George Oconer ang mangunguna sa PRUride Professional Road Race na isang 160-kilometrong course na magtatapos sa Mt. Samat sa Pilar, Bataan.

Magaganap din sa event ang Philippine version ng Brompton Challenge, kung saan kakarera ang mga siklista na suot ang kanilang formal na pang -itaas, ngunit sa pagkakataong ito ay barong o Filipiniana attires ang isusuot ng mga kalahok.

May cash prize na P50,000 ang naghihintay sa mananalo sa Elite professional categories kapwa sa kalalakihan at kababaihan habang mayroon ding anim na all-expense paid trips patungong London na ipamimigay. Dalawa dito ay ibibigay sa mananalo sa Professional Road Race sa Subic, dalawa sa magwawagi sa Elite Criterium sa McKinley West, at dalawa ang ipapa-raffle sa Bike Community Days.