SA survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 23-27, 47 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing itinuturing nila ang kani-kanilang pamilya bilang maralita. Tumaas ito ng tatlong puntos sa 44 na porsiyentong naitala sa huling survey noong Hunyo. Ang 47 porsiyento na itinuring ang kani-kanilang sarili na mahirap noong Setyembre ay tinukoy ng SWS sa 10.9 na milyong pamilya — nadagdagan ng 800,000 pamilya simula noong Hunyo.
Sa kasalukuyan nating kakapusan sa larangan ng kaunlaran, dapat nating tanggapin na marami sa ating mga kababayan ang hanggang ngayon ay naghihikahos sa buhay. Pinasilip na sa atin ng survey ang bilang — 10.9 na pamilya. At ang mga pamilyang ito ang bumubuo sa 47 porsiyento ng mamamayan sa ating bansa.
Nang bumoto ang bansa para sa pagbabago sa huling halalan, ang kahirapan sa bansa ang pinakamalaking nag-udyok sa panawagan para sa pagbabago. May iba pang mga bagay na ikinonsidera, siyempre pa. Marami ang naghangad ng pagbabago mula sa rehimen ng kurapsiyon na nakikita nila sa gobyerno. Ang iba naman ay nagnais ng pagbabago mula sa karaniwan nang krimen at kaguluhan sa kani-kanilang komunidad.
Nabuhay ang kanilang pag-asa sa nakamamanghang pag-alagwa ng Gross Domestic Product (GDP) na sumusukat sa pangkalahatang produksiyon ng bansa, subalit ang pagtaas na ito ng GDP ay ramdam lamang sa mataas na antas ng ekonomiya. Hindi ito napagiginhawa sa anumang paraan ang nasa mababang antas.
Tinutukan ng bagong administrasyon ang matinding paraan ng pagsugpo sa isa sa mga problema ng bansa — ang banta ng ilegal na droga. Nagawa rin nitong mapigilan ang pagtatangka ng mga rebelde, sa suporta ng pandaigdigang teroristang grupo na Islamic State, na magtatag ng pangrehiyong “caliphate” sa Mindanao. Kumikilos ito ngayon upang maiwasto ang tinatawag ni Pangulong Duterte na “historic injustice” sa mamamayang Moro sa pagbibigay sa kanila ng higit na awtonomiya.
Lahat ng ito ay mahahalagang hakbangin ng gobyerno. Subalit dapat na ipaalala sa atin ng SWS survey ang isang suliranin na matagal nang gumigiyagis sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino — ang kahirapan. Sa katunayan, lumubha pa nga ito sa huling bahagi—mula sa 10.1 milyong pamilya ay 10.9 na milyon na ang apektado nito.
May mga plano ang pamahalaan para sa mahihirap na pamilyang ito. Ang malawakang programang pang-imprastruktura ng gobyerno sa mga susunod na taon ay hindi lamang magpapatayo ng mga kinakailangang imprastruktura para sa ating ekonomiya; magkakaloob din ito ng mga trabaho sa daan-daan libo na ang mga pamilya ay kabilang sa 47 porsiyento na itinuturing ang kanilang sarili na mahirap, batay sa SWS survey.
Kahit para na lamang sa milyun-milyong mahihirap na ito, umaasa tayong ang problema sa hindi pagkakasundo ng Kamara de Representantes at ng Senado sa pambansang budget para sa 2018 ay tuluyan nang mareresolba sa Kongreso. Hindi natin maaaring balikan ang lumang budget sakaling hindi talaga magkasundo ang ating mga mambabatas.
Maraming programa ang sisimulan sa 2018 gamit ang mga pondong nasa ilalim ng bagong budget. Ang resulta ng SWS survey noong Setyembre ay dapat na isaisip ng ating mga opisyal habang ipinatutupad ang maraming programa ng pamahalaan, partikular ang mga makatutulong nang malaki sa milyun-milyong pamilya na umamin sa SWS na hikahos sila sa buhay.