Ni MARY ANN SANTIAGO
Patay matapos himatayin sa tren ang babaeng pasahero ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) sa Mandaluyong City nitong Lunes.
Sa pahayag ng Department of Transportation (DoTr) nitong Lunes ng gabi, kinumpirma nito ang pagkamatay ni Marielle Ann J. Mar, 26, habang tinatangkang i-revive ng mga doktor ng Victor R. Potenciano Medical Center sa Mandaluyong City, bandang 12:05 ng tanghali kamakalawa.
Si Mar ay binawian ng buhay dalawang oras matapos siyang mag-collapse sa loob ng southbound train na patungong Ortigas Station, sa ganap na 9:48 ng umaga.
Nilinaw naman ng DoTr na imposibleng dahil sa init kaya nag-collapse si Mar sapagkat gumagana naman ang airconditioning unit sa coach na sinakyan niya nang maganap ang insidente, at hindi rin peak hours noong oras na iyon.
Tinangka pa umanong i-revive ng mga staff ng MRT-3 si Mar, hanggang sa dumating ang mga emergency personnel na nagdala sa kanya sa pagamutan.
Ayon sa DoTr, hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng biktima matapos tumanggi ng pamilya nito na siya ay ipa-autopsy.
“On the preexisting condition, background, and autopsy, the family has not released any statement,” anang DOTr. “We respect their privacy to mourn the loss of a loved one.”
Nagpaabot ng pakikiramay at tulong-pinansiyal ang DoTr at ang management ng MRT-3 sa pamilya ni Mar, kabilang na ang pagsagot sa medical at funeral expenses nito.