Ni Nonoy E. Lacson at Niño N. Luces

Nakakumpiska ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng P13.4-milyon hinihinalang shabu sa tatlong magkakahiwalay na operasyon nito sa Zamboanga City at Albay, na ikinaaresto ng siyam na indibiduwal, sa nakalipas na mga araw.

Sinabi kahapon ni PDEA Director for Zamboanga Peninsula Lyndon P. Aspacio na nakakumpiska sila ng P5-milyon hinihinalang shabu mula sa limang suspek na sinasabing nagbenta nito sa mga undercover agent ng ahensiya sa buy-bust operation sa parking lot ng La Casa Maria sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City, nitong Sabado.

Aniya, bandang 4:45 ng hapon nang ikasa ang operasyon, at nadakip sina Sahari Sabturani y Addalani, 37, may asawa, target-listed na miyembro ng Kubal Drug Group, at taga-Bgy. Tetuan, Zamboanga City; Ryan Rajan y Quijano, 30; Kizzie Rajan y Tungupon, 30, may asawa; Gasi Hadjirul y Waliyul, 42, may asawa, pawang taga-Southcom Village; at Albajir Sanny, may asawa, ng Bgy. Tetuan, Zamboanga City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakumpiska sa lima ang 20 heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng isang kilo; P3,000 na buy-bust money; isang Ford Ranger Wildtrak; at isang Rusi motorcycle.

Sa Albay, iniulat ng PDEA-Region 5 na nakumpiska ng pulisya ang nasa dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8.4 milyon sa magkahiwalay na buy-bust.

Sinabi ni PDEA-5 acting Director Christian O. Frivaldo na nasabat nitong Sabado ng gabi ang limang transparent plastic bag na may 1,201.2251 gramo ng hinihinalang shabu, at nagkakahalaga ng P6.9 milyon, mula kina Ismael Onsad at Angelu Ariraya, sa Bgy. Oro Site, Legazpi City.

Nobyembre 30 naman nang madakip ng PDEA sina Marco Valenzuela y Del Rosario, 30; at Ameroding Cadayon, 34, kapwa taga- Bgy. Oro Site, Legazpi, na nakumpiskahan naman ng isang transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu na nasa 236.1412 gramo at nagkakahalaga ng P1,536,917.