Ni Ali G. Macabalang

COTABATO CITY – Iginiit ng ilang source mula sa government intelligence at sa komunidad ng mga Maranao na buhay pa rin umano at “at large” ang isa sa mga pasimuno ng pagsalakay sa Marawi City, Lanao del Sur, si Omar Maute.

Pinabulaanan nila na si Omar ang terorista na kasamang napatay ng Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon sa bakbakan sa Marawi noong Oktubre 15, at sinabing kamukha lamang ito ni Omar.

Matatandaang kinumpirma ng mga awtoridad, sa pamamagitan ng DNA test, na si Hapilon nga ang napatay sa Marawi, subalit ang sinasabing pagkakapaslang kay Omar ay “never been validated”, ayon sa mga source.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“He (Omar Maute) has a prominent bulletin wound scar in left leg he sustained in a firefight with soldiers in Pantar, Lanao del Norte in August 2015…The slain person suspected to be that of Maute had no scar in the leg,” sinabi ng military intelligence official.

Sinabing siya “thoroughly cased and profiled” Omar Maute, kasama ng iba pang terorista, iginiit ng intel official na ang kanyang grupo “is still hunting him (Omar) even more vigorously with or without bounty.”

Naniniwala ang opisyal na ang pabuyang inilaan ni Pangulong Duterte para sa pagdakip, patay man o buhay, kina Omar (P5 milyon) at Hapilon (P10 milyon) “had been released already.”

Kinumpirma naman ng Maranao sources—na malapit o maaaring kaanak ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute—ang nasabing pahayag ng intelligence official.

Bagamat kinumpirmang may peklat nga sa kaliwang binti si Omar, sinabi ng tatlong kaanak ng terorista na mas mainam na ito ay “dead as reported.”

Nang piliting sumagot sa katanungan, sinabi ng tatlong kaanak ng mga Maute na si Omar ay “still alive but nowhere to be found.”

Ang balitang napatay si Omar noong Oktubre 15 ay ikalawa na, makaraan siyang unang mapaulat na napaslang sa pakikipagbakbakan sa militar sa Marawi noong Hunyo.