Ni Ric Valmonte
ARAW-ARAW ay may namamatay na naman. Hindi na ito iyong bunga ng pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo. Hindi na iyong mga sinasabing gumagamit o nagbebenta ng droga na nanlaban sa mga pulis habang sila ay dinarakip ang mga biktima. Ang mga biktima ay mga pulis o sundalo sa isang panig, at mga umano ay mga rebeldeng komunista sa kabilang panig. Nagsimula na kasi ang bakbakan nang putulin na ni Pangulong Digong ang pakikipag-usap ng gobyerno sa NDF-CPP-NPA ukol sa kapayapaan.
Nasa napakahalagang yugto na sila sa kanilang negosasyon nang mangyari ito. Ang isyung dapat sanang pinag-uusapan nila ngayon at nireresolba kung natuloy ang usapan ay ang comprehensive economic reforms, ang reporma sa lupa at pamamahagi ng lupang-sakahan sa mga magsasaka. Eh, isa ito sa paraan upang epektibong malabanan at magapi ang kahirapan.
Ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS), 47 porsiyento o halos 11 milyong mamamayan ang nagsasabi na sila ay mahirap. Bakit nga ba hindi, eh, walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo? Ang pangunahing dahilan nito ay ang walang kontrol na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Ibaba man ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng kanilang mga produkto, wala namang kaukulang pagbaba sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Lalong tataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo kapag naging epektibo na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nasa bicameral committee na ng Kamara at Senado. Napipintong tumaas ang presyo ng mga pagkaing may matamis at maging ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim kasi ng TRAIN, papatawan ng excise tax at value added tax (VAT) ang mga ito. Kaya, may sarili nang buwis ang mga pagkain at inuming matamis na magpapataas na sa kanilang presyo, tataas pa ang presyo ng mga gasolina, diesel, at liquefied petroleum gas (LPG) na magpapadagdag din sa presyo ng mga pagkain at inuming ito. Napakabigat na para sa mga mamimili na maabot ang presyo ng bilihin at serbisyo sa pagtaas ng ipapataw na namang buwis. Malamang na magsara na rin ang maliit na mga tindahang nabubuhay sa pagbebenta ng batayang... pangangailangan.
Mahihirapan ang gobyerno na malupig ang mga kalaban nito, tulad ng mga komunistang rebelde, kung gagamitan niya lang ang mga ito ng armas. Hindi mo mauubos ang kalaban kung ang gagawin mo lang ay paulanan sila ng bomba, tulad ng ginawa ng gobyerno sa Marawi.
Socio-economic problem ang rebelyon. Lulubha ang kaguluhan sa bansa at wawasakin ito ng karahasan kapag ginamitan ng kalupitan ang kahirapan.
Magiging pangkaraniwang bahagi na ng ating buhay bilang bansa at mamamayan ang engkuwentro at araw-araw na patayan.