NANAWAGAN noong nakaraang linggo sa administrasyong Duterte ang mga jeepney driver at operator sa Central Luzon para sa piling pag-phaseout — sa halip na tuluyang ipatigil ang pamamasada — ng mga lumang public utility vehicle (PUV) sa Enero ng susunod na taon, gaya ng iniutos ng Department of Transportation (DOTr).
Matagal nang ipinagpapaliban ng gobyerno ang pagpe-phaseout sa mga lumang jeepney, upang bigyan ng sapat na panahon at pagkakataon ang lahat ng maaapektuhan para makaagapay dito. Subalit hinihiling ngayon ng grupo mula sa Central Luzon ang mas marami pang panahon bago tuluyang ipatupad ang total phaseout na itinatakda ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Alinsunod sa plano ng DOTr, ireretiro na ang lahat ng jeepney na 15 taon pataas at papalitan ng mga bagong sasakyan na gumagamit ng makinang hindi masyadong nagdudulot ng polusyon. Naglunsad ang gobyerno ng financing program upang matulungan ang mga operator na makabili ng mga bagong jeep na kumpleto sa CCTV cameras, automatic fare collection systems, at maging WiFi.
Subalit iginiit ng ilang operator na ang plano ng pamahalaan ay hindi abot ng kanilang pinansiyal na kakayahan. Kaya naman iminungkahi ng mga nagsagawa ng kilos-protesta sa San Fernando, Pampanga, nitong Huwebes na sa halip na total phaseout ay gawing prioridad ng pamahalaan ang pagreretiro sa mga kakarag-karag na jeepney na mayroong makina na bigong makapasa sa pag-iinspeksiyon ng gobyerno. Sa pamamagitan nito ay agarang mawawala sa mga lansangan ang mga sasakyang pinakamatinding magdulot ng polusyon. Kasabay nito, mabibigyan din ng karagdagang panahon ang mga operator upang mapalitan ang tinatayang 300,000 lumang jeepney na patuloy na namamasada sa bansa.
Sa panahong ito, naniniwala tayong tanggap na ng mga jeepney operator at driver sa bansa na kailangan na nilang igarahe nang tuluyan ang mga luma nilang sasakyan. Marami sa kanila ang ilang dekada nang namamasada. Patuloy silang tinatangkilik ng maraming pasahero dahil sa mababang pasaheng alok nila. Subalit ilan pang uri ng transportasyon ang tinatangkilik na rin ng mga pasahero—mga tren, bus, at air-conditioned na UV Express. Kung hindi seseryosohin ng mga jeepney ang usapin sa kaligtasan at ginhawa ng kanilang mga pasahero, hindi na nila dapat ikagulat kung maglipatan ang kanilang mga suking pasahero sa iba pang pampasaherong sasakyan.
Inamin ng mga tsuper mula sa Central Luzon na nag-rally noong nakaraang linggo sa Pampanga na totoong maraming kakarag-karag na jeep ang patuloy na namamasada, at may pahintulot pa rin ito ng Land Transportation Office, Manila.
Humihiling sila ng isa pang extension para sa mas mahabang panahon na makaagapay sa gagawing pagbabago, partikular sa larangang pinansiyal. Sa kanilang mungkahi ay maoobliga ang gobyerno na pag-ibayuhin ang motor vehicle inspection system ng LTO. Ngunit sakaling aprubahan, dapat na ito na ang maging huling extension bago ipatupad ang total phaseout ng mga luma at nakadudumi ng hanging jeepney sa bansa.
Nagkasa ang No to Jeepney Phaseout Coalition ng dalawang-araw na tigil-pasada nitong Lunes at Martes, subalit sa huli ay iniurong ito at piniling idulog ang kanilang mga hinaing sa pagdinig ng Senado na ipatatawag ni Senator Grace Poe sa Huwebes. Dapat na maging mabuting oportunidad ito upang makabuo ng programa na tutugon sa mga pangangailangan at problema ng sektor ng jeepney kaugnay ng pagpapatupad sa pambansang jeepney modernization plan ng gobyerno.