Ni Mary Ann Santiago
Nilinaw kahapon ng French-based pharmaceutical company na Sanofi Pasteur Philippines, ang manufacturer ng kauna-unahang bakuna laban sa dengue na Dengvaxia, na hindi nagdudulot ng malalang dengue ang naturang bakuna.
Ayon kay Dr. Ruby Dizon, medical director ng Sanofi Pasteur, “misinformation” lamang ang nangyari, at iginiit na hindi ang Dengvaxia ang nagdudulot ng malalang sakit.
“I’d like to address the little misinformation, hindi nakukuha ‘yung severe dengue from the vaccine. So, hindi dahil nabakunahan ka nagka-severe dengue ka, hindi siya ganon. Nakukuha mo siya dahil you had a subsequent exposure to the virus, so hindi dahil binigyan ka ng bakuna, magkaka-severe dengue ka,” paglilinaw niya sa pulong balitaan kahapon.
WALANG NAMATAY
Nilinaw rin ng kumpanya na wala pa silang natatanggap na ulat na may namatay sa mga naturukan ng Dengvaxia, taliwas sa pahayag ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na tatlong batang taga-Bataan ang nasawi umano matapos na tumanggap ng nasabing bakuna.
Giit ni Dizon, walang ganitong uri ng report na nakukuha ang kanilang kumpanya, at maging ang Department of Health (DoH).
Hiniling na ng VACC sa Department of Justice (DoJ) na ipahukay at ipasuri ang bangkay ng mga naturang paslit, na nabakunahan umano noong Abril 2016.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang VACC sa kanilang affiliates sa Region 3 para makakuha pa ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga bata, at gayundin kay Health Secretary Francisco Duque III para makuha ang mga pangalan ng mga nabakunahang bata sa National Capital Region (NCR), Region 3, at Region 4-A.
Nauna rito, naglabas ng bagong analysis sa Dengvaxia ang Sanofi at sinabing makatutulong ang bakuna sa mga bata na dati nang na-dengue, ngunit maaari namang makaranas ng “severe disease” ang mga tinurukan nito na hindi pa dinadapuan ng nasabing sakit.
Paglilinaw ng Sanofi, hindi ito nangangahulugan na magdudulot ng pagkamatay o grabeng kondisyon ang bakuna, kundi maaaring magkaroon lamang ng mas matagal na lagnat, mas mababang platelet count, pagpapasa kapag nauntog, at makaranas ng balinguyngoy kapag nainitan ang may “severe dengue.”
Matatandaang dahil sa naturang bagong development ay nagpasya ang DoH na ipatigil muna ang pagbabakuna kontra dengue.
Noong 2016, mahigit 733,000 bata na edad siyam pataas ang nabigyan ng unang dose ng Dengvaxia.
FULL REVIEW
Samantala, magsasagawa ang World Health Organization (WHO) ng full review sa datos ng paggamit ng Dengvaxia sa pamamagitan ng Global Advisory Committee on Vaccine Safety at Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE) para sa pagpapalabas ng revised guidelines sa paggamit ng naturang bakuna.
Habang nakabimbin ang pag-aaral ng WHO, inirerekomenda nitong gamitin lamang muna ang Dengvaxia sa mga taong na-dengue na.