Ni Fer Taboy
Patay ang isang binatilyo at isang senior citizen, habang pitong iba pa ang nasugatan, na kinabibilangan ng mga bata, sa engkuwentro ng militar at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Shariff Aguak, Maguindanao.
Ayon sa report ng Shariff Aguak Municipal Police, Linggo ng gabi nang mangyari ang insidente makaraang makasagupa ng 40th Infantry Battalion (IB) ang BIFF sa Barangay Tinambangan sa Shariff Aguak.
Nakilala ang mga nasawi na sina Unti Kamama, 61; at Mohammad Kamama, 13, habang sugatan naman sina Private Clinton Vigor; Aila Amor, 25; Tukay Kamama, 26; at limang bata na edad dalawa, tatlo, apat, at anim, na pawang residente ng Sitio Bacong sa Bgy. Tinambangan, Shariff Aguak.
Ayon kay Col. Gerry Besana, ng 6th Civil Military Operations, inatake ng mga miyembro ng BIFF ang detachment ng Philippine Army sa Sitio Bacong sa nasabing barangay—na kinumpirma naman umano ng bandidong grupo.