Ni Fer Taboy

Maaaring matanggal ang 104 na pulis-Caloocan dahil sa kabiguang pumasa sa training para sa kanilang reorientation at moral enhancement sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, kamakailan.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, 972 pulis ng Caloocan City Police Office (CCPO) ang pumasa sa pagsasanay sa Camp Crame kahapon.

Sa 104 sa kanila, 49 ang nabigong sumailalim sa drug test habang dalawa naman ang hindi sumipot sa training, at ikinonsiderang absent without official leave o AWOL.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Isinailalim sa reorientation training ang mga pulis-Caloocan dahil na rin sa mga kontrobersiya na nagbahid ng dungis sa reputasyon ng pulisya, partikular ang pagpatay sa ilang teenager sa mga operasyon sa siyudad.

Sa panayam, sinabi ni Philippine National Police Training Service Director Superintendent Elpidio Gabriel Jr., na sa kabila ng pagpasa sa reorientation training, kakailanganin pa ng 972 pulis na maghintay bago tuluyang makabalik sa kanilang trabaho, dahil sasailalim pa sila sa ‘vetting process’ batay sa kanilang performance sa training.

Samantala, nang tanungin tungkol sa mangyayari sa mga pulis na nabigong pumasa sa training, sinabi ni Albayalde na mahaharap ang mga ito sa pre-charge evaluation para matukoy ang kanilang kinabukasan sa PNP.

“Most of them failed because of their disappointing performance during their training in Camp Bagong Diwa in Taguig so kailangan silang ma-evaluate bago maharap sa nararapat na aksiyon para sa kanilang kabiguang sumunod sa ating mga alituntunin,” punto ng hepe ng NCRPO.