ni Bert de Guzman
"WALANG atrasan. Hindi tayo dapat umatras." Ito ang matapang at palabang pahayag ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kaugnay ng kinakaharap na impeachment complaint na inihain ng isang Atty. Lorenzo Gadon, supporter ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at talunang kandidato sa pagka-senador ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Nangako ang may “balls” na puno ng Korte Suprema na hindi siya uurong sa kanyang LABAN para sa taumbayan at sa Konstitusyon. Sabi ni CJ Sereno: “For all of you who were unjustly accused, I am fighting this fight. For all of you who were unjustly detained, still in prison, I am fighting this fight.” Idinagdag pa niyang hindi dapat umatras ang mga mamamayan na dumaranas ng harassment, banta, bullying.
Binigyang-diin ni Sereno na hindi siya natatakot. “Ang dapat nating gawin ay hindi umurong. Tuminding tayo nang may tapang, dignidad at dangal.” May nagtatanong kung ano ang ginagawa at pananaw ng mga babaeng senador at kongresista tungkol sa sitwasyon ngayon ni CJ Sereno na nahaharap sa matinding hamon sa buhay. Nasaan na raw sina Sen. Loren Legarda, Cynthia Villar, Nancy Binay, Rep Pia Cayetano, na laging tumatayo at nagpapahayag ng mga komento lalo na sa mga isyu na may kinalaman sa kababaihan?
Inuulit natin: Tanging kababaihan yata ngayon ang naninindigan at kumokontra kay PRRD. Sila ay sina Sen. Leila de Lima, Ombudsman Conchita Carpio Morales, CJ Sereno, Sen. Risa Hontiveros at mangilan-ngilan sa Kamara. Nasaan kayo mga kalalakihang senador at kongresista? Tayo ay isang demokratikong bansa at marahil ay hindi naman ikasasama ng loob ng ating Pangulo na tumindig kayo at ihayag ang saloobin at opinyon na sa palagay ninyo ay makabubuti sa bayan.
Naniniwala ang apo ni Andres Bonifacio, si Paolo Bonifacio na 20-year old 5th generation descendant ng Supremo ng Katipunan, na kung buhay ang kanyang lolo, tiyak na kokondenahin ng bayani ang mga pagpatay sa mga Pinoy sa ngalan ng droga.
Sinabi ni Paolo na ang lolo niya na nanguna sa paglulunsad ng rebolusyon laban sa mga Kastila ay kokondenahin ang pagpatay ng Pilipino sa kapwa Pilipino. Si Paolo, na public administration student sa UP, ay nagsabi na bagamat pinasimulan ni lolo Andres ang marahas na pamamaraan upang mapalaya ang Pilipinas sa paniniil ng mga Kastila, ang mga grupo o indibidwal umano na nagsasagawa ngayon ng karahasan ay pinagwawatakwatak lang ang mga Pilipino.
Ayon pa kay Paolo, tiyak niyang hindi sasang-ayon ang kanyang revolutionary leader na lolo sa drug killings o walang habas na pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users, pero hindi man lang kinakanti ang mga panginoon ng droga, smugglers at suppliers.
Sabi niya: “Now the violence is coming from within, they may be groups, entities or government.” Ang gusto raw ng kanyang lolo Andres ay isang bansa na nagkakaisa, isang Filipino nation. Isa si Paolo sa kaanak ng bayani na dumalo sa paggunita sa ika-154 pagsilang nito na ginanap sa Monumento Circle, Caloocan City noong Huwebes.