NANANATILING suspendido ang pagbabakuna kontra dengue, alinsunod sa utos ng Department of Health (DoH) hanggang sa matapos ng mga eksperto ang pagsusuri sa mga bagong development tungkol sa dengue vaccine na Dengvaxia.
Ipinatigil nitong Biyernes ng DoH ang pagbabakuna kontra dengue makaraang matanggap nitong Nobyembre 29 ng kagawaran ang impormasyon mula sa lumikha ng Dengvaxia, ang Sanofi Pasteur, na maaaring makaranas ng malalang dengue ang mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue makalipas ang 30 buwan.
“In light of this new analysis, the DoH will place the dengue vaccination program on hold while review and consultation is ongoing with experts, key stakeholders, and the World Health Organization (WHO),” lahad ni Health Secretary Francisco Duque III sa press briefing kamakailan.
Sinabi ni Duque na makikipagtulungan ang DoH sa mga paaralan sa Central Luzon, Calabarzon, at National Capital Region at sa mga piling siyudad na saklaw ng programa, upang tukuyin ang mga hindi pa nagka-dengue na nakatanggap ng naturang bakuna.
Ang monitoring ay isasagawa ng mga rural health unit, na susubaybay sa kalusugan ng mga naturang bata, aniya.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng DoH, si Assistant Secretary Lyndon Lee Suy, na may kabuuang 733,713 bata ang nakatanggap ng libreng bakuna sa dengue sa school-based immunization program ng kaagwaran na inilunsad noong 2016.
Ang mga naturukan – siyam na taong gulang sa mga pampublikong paaralan sa tatlong rehiyon – ay nabigyan ng tatlong dose ng bakuna sa anim na buwang pagitan.
Inihayag ni Lee Suy na ang mga batang ito, lalo na ang mga hindi pa nagkakaroon ng dengue, ay babantayan.
“We will clear the numbers in terms of who these children are,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Lee Suy na hindi naman nangangahulugan na ang nasa panganib ang lahat ng batang nakatanggap ng naturang bakuna.
“Based sa data natin, roughly around 8-10 percent na nabakunahan ‘yung (‘di pa nagkaroon ng dengue). So, hindi po lahat ng 700,000 plus ang at risk with severe dengue,” paliwanag ni Lee Suy. - PNA