ni Dave M. Veridiano, E.E.
HINDI na bago sa aking pandinig ang mga banyagang sindikato na nasasakote ng awtoridad dahil sa pagkakasangkot sa malalaking krimen gaya ng kidnapping, murder for insurance, smuggling, ilegal na droga at itong pinakalaganap sa ngayon, ang cyber crimes… Noon pa mang nakaraang tatlong dekada ay nagkalat na sila sa bansa at marami nang nabiktima na kalimitan ay mga kababayan din naman nila.
Ang mga banyagang grupong ito ay binubuo ng “wanted criminal” sa kanilang bansa at dito sa Pilipinas naisipang maglungga dahil umano sa kaluwagan ng mga ahente ng pamahalaan na madaling masuhulan, nangunguna rito ang mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI), ang gate keeper ng bansa!
Sa personal na listahan na nasa aking kokote – masasabi kong ang mga notorious na grupong ito ay kalimitang galing sa Japan, China, Taiwan, Korea, at Nigeria. May mangilan-ngilan din na galing naman sa United States, Europe at Middle East…magkakaibang grupo ngunit pare-pareho ang istilo ng mga ito sa paggawa ng krimen.
Ang batayan ko sa listahan na ito ay ang dami ng “crime stories” na aking nasubaybayan at naisulat bilang isang aktibong mamamahayag sa loob ng mahigit 30 taon – isang police reporter na maraming kaututang dilang beterano at matitinik na imbestigador sa iba’t bang sangay ng ating pamahalaan gaya ng BI, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at maging sa mga pribadong investigation agency na ang mga nagmamay-ari ay mga retirado ng matitinik na imbestigador noong nakaraang tatlong dekada.
Kaya nang marinig ko ang balitang nasakote ng mga ahente ng PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang apat na kidnaper noong Nobyembre 25, sa mismong harapan ng BI sa Intramuros, dala ang kanilang biktimang Koreano na tinangay sa mismong bahay nito sa Balibago, Angeles, Pampanga makalipas lamang ang 24 oras – ‘di ko pa man nababasa ang buong report ay ‘di ako nagdalawang-isip na ibulong sa aking sarili na siguradong may kababayan ang Koreano sa apat na naaresto!
‘Di ako nagkamali dahil sa report ng PNP-AKG – tatlong Koreano ang pinangalanang kasama ng isang Pinoy sa pag-kidnap kay Lee Jung Dae na binabakalan ng grupo ng P1.2 milyong ransom. Sila ay sina Cha Jae Young, Cha Dae Sun, Kim Min Kwan na alyas Michael Lim (Korean). Ang nag-iisang Pinoy ay si Raymond Flores.
Ito ang matindi – matapos i-deliver sa grupo ang inisyal na ransom sa isang meeting place sa Marquee Mall sa Angeles City, dito na dinala sa Intramuros ang biktima at saka muling humirit ang grupos ng P12 milyon dagdag na ransom.
Dito na pumasok ang PNP-AKG at naaresto agad ang grupo. Lumitaw sa imbestigasyon na pang-lima na si Lee Jung Dae sa na-kidnap ng grupo sa loob ng magkasunod na araw nang linggong iyon.
Wala talagang nabago sa pamamaraan ng mga sindikatong ito. Noon at ngayon ay iisa pa rin ang galaw ng mga ito – siyempre, ang nakakaalam ng “paldo” na target ay ang kababayan din ng bibiktimahin. Sila ang magbibigay ng lahat ng detalye sa “counterpart” nilang Pinoy na kadalasan ay mga operatiba ng BI at ng PNP.
Napapasama lamang sa sindikato ang mga taga-NBI kapag nadala na ang kaso sa opisina nito para roon imbestigahan. Gagana na naman ang “convincing power” ng PISO upang ma-dismiss ang kaso at mapawalang-sala ang mga suspek…Paulit-ulit lamang ang istilong ito na minamana ng mga bagong sibol na operatiba sa mga nag-retiro nilang kasamahan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]