Nina MARY ANN SANTIAGO at ROMMEL TABBAD

Kinansela ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang dalawang araw na tigil-pasada na itinakda nito sa buong bansa simula ngayong Lunes.

Ayon kay George San Mateo, pangulo ng PISTON, hindi na muna nila itutuloy ang planong transport strike upang bigyang-daan ang “urgent” hearing sa Senado na ipinanukala ni Senator Grace Poe sa Huwebes, Disyembre 7, na layuning talakayin ang panawagan ng grupo ng transportasyon na itigil ang pagpapatupad sa jeepney modernization program.

Sinabi ni San Mateo na sa halip na tigil-pasada ay magsasagawa na lamang sila ng transport caravan mula sa Quezon City hanggang sa Mendiola sa Maynila ngayong Lunes, upang kondenahin ang umano’y human rights violation ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Sama-sama magmamartsa para singilin si President Duterte dito sa paglalabag at pangwawasak niya ng human rights ng mamamayan,” aniya pa.

Nagbabala rin naman si San Mateo na magkakasa ang kaniyang grupo ng panibagong transport strike sa Enero kung hindi magiging maganda ang resulta ng pagdinig.

Kasabay nito, napaulat din kahapon na sa halip na tigil-pasada ay magsasagawa ng isang linggo ng “various forms” ng rally ang mga militante simula ngayong Lunes, batay sa inilabas na pinag-isang pahayag ng PISTON at Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Duterte wants to take away the livelihood of more than one million drivers and operators of jeep big traders, who would like to monopolize it,” saad sa joint statement ng PISTON at KMU, na kinondena rin ang umano’y paghahain ng kaso laban kay San Mateo.

“This is a desperate step in trying to prevent our legitimate protest against the jeepney phaseout and to suppress expanding anger of drivers, operators and commuters in his counter-poor government,” bahagi ng pahayag ng dalawang grupo. “We will launch various forms of protest to combat the jeepney phaseout program and condemn trumped-up cases against San Mateo and other transport leaders.”

Una nang iginiit ng PISTON na hindi kakayanin ng mga driver na palitan ng makabagong modelo ang kanilang mga jeepney dahil napakamahal nito sa halagang P1.3 milyon hanggang P1.6 milyon bawat isa.

Samantala, umaasa si Poe na matutuldukan na ang problema sa transport sector sa isasagawa nilang dayalogo kasama si Transport Secretary Arthur Tugade, at mga kinatawan ng PISTON at No to Jeepney Phase-Out Coalition sa Huwebes. - May ulat nina Samuel P. Medenilla at Leonel M. Abasola