Ni LIGHT A. NOLASCO
STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Sugatan ang isang pulis, tatlo niyang kaanak at tatlong iba pa makaraan silang tambangan ng mga armadong lalaki sa Licab-Sto. Domingo Road sa Barangay Mambarao sa Sto. Domingo, Nueva Ecija, nitong Sabado ng gabi.
Sa ulat ni Chief Insp. Erwin Ferry, hepe ng Sto. Domingo Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Eliseo T. Tanding, kinilala ang mga biktimang sina PO3 Christopher Delfin y Sambrano, 40, nakatalaga sa Camp Olivas sa Pampanga; Pedro Jay Delfin y Sambrano, 26; Reymundo Delfin y Javier, 52, pawang ng Purok 1, Bgy. Dulong Bayan, Quezon.
Sugatan din sina Reynold Hernandez y Fernando, 33, government employee; Eric Pardo y Bactol, 28, kapwa ng Bgy. Bertese, Quezon; at ang mga bystander na sina Rommel Ignacio, 30, vendor; at isang 16-anyos na lalaki na parehong taga-Bgy. Mambarao, Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Dakong 7:30 ng gabi nang tambangan ang mga biktima, na kagagaling lang noon sa sabungan at pauwi na sakay sa pick-up truck na minamaneho ni Reymundo.
Hindi napansin ng mga biktima ang pagsunod sa kanila ng isang Toyota Fortuner, at isang Honda CRV na sinakyan ng mga armado, at pagsapit sa Purok 4 sa Bgy. Mambarao ay pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Sinabi ni PO3 Delfin na nakilala niya ang mga suspek nang gumanti siya ng putok sa mga ito, at tinukoy niya ang mga ito na sina Emiliano del Rosario Jr., alyas “Jay Ar”; at alyas “Cess”, na umano’y gun-for -hire mula sa Cabanatuan City.
Ayon sa pulis, nakaengkuwentro na niya ang mga suspek, at posibleng gumaganti ang mga ito sa kanya.
Narekober sa crime scene ang walong basyo ng M16 armalite rifle, at 11 basyong bala ng .45 caliber pistol. - May ulat ni Franco G. Regala