Ni FER TABOY

Nagpapagaling sa ospital ang isang police station commander at tatlo niyang tauhan matapos nilang idepensa ang himpilan ng Binuangan Municipal Police sa pag-atake ng mahigit 100 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Misamis Oriental, kahapon ng madaling araw.

Batay sa report ng tinanggap ng Misamis Oriental Police Provincial Office (MOPPO), nakilala ang mga nasugatan na sina Senior Insp. Dante Hallasgo, hepe ng Binuangan Municipal Police; SPO1 Ramonito Zambas; PO3 Alberto Bernadas; at PO1 Joshua Satur.

Ayon sa report, tinadtad ng bala ng mga rebelde ang buong presinto at dalawang mobile patrol ng Binuangan, gamit ang matataas na kalibre ng baril.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Tinangka rin umanong silaban ang presinto, makaraang marekober din ng mga imbestigador ang ilang container ng gasolina na naiwan ng mga rebelde.

Kinumpirma rin ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng MOPPO, na nagsagawa ng road reblocking ang NPA sa national highway malapit sa munisipyo ng Binuangan.

Napaulat na inamin ni Ka Malem Mabini, tagapagsalita ng NPA-North Central Mindanao, ang nasabing pagsalakay.

Kaagad na kinondena ang insidente, una nang inalerto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa ang mga himpilan ng pulisya sa bansa, partikular sa mga lalawigan, kasunod ng pagkansela ni

Pangulong Duterte sa usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF)-NPA.

Nangyari ang pag-atake sa pulisya ng Binuangan isang araw makaraang tambangan ng NPA ang convoy ng mga nagpapatrulyang pulis sa Labo, Camarines Norte, na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng anim na iba pa.