NI: Lyka Manalo

STA. TERESITA, Batangas - Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Sta. Teresita Police at Provincial Intelligence Branch (PIB) nitong Sabado ang kanilang kabaro matapos na mahuli sa entrapment operation makaraang ireklamo ng pangongotong umano sa isang ginang.

Ayon kay Senior Insp. Ernie Delos Santos, hepe ng pulisya, nasa kustodiya ng kanilang tanggapan si PO1 Darrel Palig-Ad, 38, matapos maaresto sa entrapment operation sa Barangay Poblacion, bandang 3:30 ng hapon.

Sa panayam kay Delos Santos, nabatid na isinagawa ang operasyon laban sa suspek matapos ireklamo ng labanderang si Lanie Robles, 46 anyos.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Hiningan umano ng P10,000 ni Palig-Ad si Robles para hindi kasuhan ng alarm and scandal ang anak ng ginang na hinuli ng suspek noong Oktubre.

Bumaba umano sa P3,000 ang negosasyon, subalit dumulog sa himpilan ng pulisya ang ginang upang ireklamo ang pulis.

Kakasuhan ngayong Lunes si Palig-Ad ng robbery extortion sa Batangas Prosecutors’ Office sa Batangas City.