Duguang bumulagta ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga pulis dahil sa umano’y panlalaban nang sitahin paghuhubad baro sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.

Dead on the spot si Mario Balagtas, 35, ng Barangay 178, Zone 15, Camarin 11 ng nasabing lungsod.

Base sa report, nakatambay si Balagtas, kasama ang dalawa niyang kaibigan, sa kanto sa Bgy. 178, North Caloocan, dakong 9:00 ng gabi. Sila ay pawang nakahubad baro.

Dumating ang mga tauhan ng Caloocan Police-Station 6, na nagsasagawa ng Oplan Galugad, at sinita ang mga ito, ngunit tumakas ang mga kaibigan ni Balagtas habang siya ay tumakbo papasok sa loob ng bahay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagpaputok umano ng baril si Balagtas kaya napilitang gumanti ang mga pulis na naging sanhi ng pagkamatay ng una.

Ayon naman sa mga kapitbahay ni Balagtas, hindi siya nanlaban at pinagbabaril lang ng mga pulis.

“Nagmamakaawa na si Mario (biktima) at nagsabing huwag siyang patayin kasi may pamilya, kaso pinagbabaril pa rin, eh,” ayon sa isang saksi.

Pinabulaanan naman ni Police Chief Inspector Narciso Cajiles, hepe ng Station 6, ang pahayag ng saksi at sinabing nasa drug watch list si Balagtas. - Orly L. Barcala