SA nakalipas na mga buwan ay naging mainit sa bansa ang mga talakayan tungkol sa iba’t ibang programa at operasyon ng gobyerno, partikular ang kampanya kontra droga at ang mga alegasyon ng paglabag sa mga karapatang pantao sa pagpapatupad nito.
Nagkaroon ng digmaan sa Marawi City na tumagal nang limang buwan makaraang tangkain ng mga teroristang Maute, na may alyansa sa Islamic State (IS), ang isang IS regional caliphate sa ating bansa. Sinikap nating magkaroon na ng pangmatagalang kapayapaan sa New People’s Army (NPA) at sa Communist Party of the Philippines (CPP), subalit kinansela na ang mga negosasyon matapos na igiit ng mga Komunista ang “coalition government.”
Bumida ng isang bagong imahen ang Pilipinas sa mundo, isang may mas nagsasariling polisiyang panlabas na nagbunsod ng mas malapit nating ugnayan ngayon sa China at Russia, habang pinananatiling matatag ang ugnayan sa Amerika. Sa larangan ng lokal na ekonomiya, tatapusin natin ang 2017 nang may nakamamanghang 6.9 na porsiyentong pagsulong sa Gross Domestic Product (GDP), ang ikalawang pinakamataas sa Asya. At sinisimulan na natin ang malawakang programang pang-imprastruktura na higit pang magpapaalagwa sa ating GDP at, higit sa lahat, magkakaloob ng trabaho na magpapabuti sa kalagayan sa buhay ng ating mamamayan.
Hinaharap naman natin ngayon ang isang usapin na maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak sa ating bansa—ang pagtatatag ng isang federal na sistema ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon. Kahit noong nangangampanya pa lamang, inihayag na ito ni Pangulong Duterte bilang pangunahing programa ng kanyang administrasyon. Nais niyang maging pantay-pantay ang kaunlaran sa lahat ng panig ng bansa at naniniwala siyang epektibong maisasakatuparan ito kung magkakaisa ang mga higit na nagsasariling rehiyon sa isang federal na sistema ng pamahalaan.
Sa kanyang talumpati noong nakaraang linggo, inilahad ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. sa harap ng nangagtipong negosyante sa Makati City, ang mga pangunahing punto laban sa pederalismo. Pagwawatak-watakin nito ang mamamayan at magbubunsod ng dobleng katapatan — sa estadong pangrehiyon at sa pambansang gobyerno — aniya. Magreresulta ito sa teribleng burukrasyang federal sa ilang sangay ng pamahalaan, at malalagay sa alanganin ang pondo at kita ng gobyerno. At dalawa lamang ito sa 18 dahilan na ipinunto niya.
Maaari nating idagdag na ang mga bansa ngayon ay may federal na sistema ng pamahalaan, gaya ng Switzerland, Germany, at Amerika, ay orihinal na magkakahiwalay at nagsasariling mga estado na nagpasyang maging isa sa isang estadong federal para higit na maging malakas bilang isang bansa. Sa Pilipinas, posibleng kabaligtaran ang mangyari sa atin — mula sa pagiging matatag at nagkakaisang bansa ay magkakaroon tayo ng magkakahiwalay na rehiyon, na ang ilan ay posibleng walang sapat na kakayahan upang magsarili.
Ito ay simula pa lang marahil ng isang matinding debate sa bansa. Ang panawagan ni Pangulong Duterte para sa federal na uri ng gobyerno ay may kaugnayan sa kagustuhan niyang maiwasto ang tinatawag niyang “historical injustice” sa mamamayang Moro ng Mindanao. Maaari itong maisakatuparan ng Bangsamoro Basic Law na iginiit niyang pagtibayin ng Kongreso. Subalit isusulong ng Pangulo ang mas ganap na awtonomiyang pangrehiyon sa pagkakaroon ng federal na sistema ng pamahalaan sa ilalim ng isang bagong Konstitusyon.
Nagsimula na ang debate sa bansa. Sa pakikibahagi ng pawang tapat, matalino, makabayan, at nagmamalasakit na mamamayan at kanilang mga opisyal, at mahalagang magkasundo-sundo tayo sa pinakapangunahing usapin na ito na tiyak na labis na makaaapekto sa ating bansa.