Ni Dhel Nazario
Digmaan man ay hindi makapipigil sa pananampalataya ng tao sa Diyos.
Naging bahagi ang replica ng imahen ng Maria Auxiliadora de Marawi sa 38th Grand Marian Procession sa Intramuros sa Maynila kahapon, matapos masira ang orihinal na imahen sa limang-buwang bakbakan sa Marawi City.
Ang replica ay inihandog ni Nolan Angeles, government employee, Marian devotee, at propagator ng Devotion to Mary Help of Christians.
Ayon kay Angeles, labis niyang ikinalungkot ang pagkawasak ng Cathedral Parish of Santa Maria Auxiliadora, kilala rin bilang St. Mary’s Cathedral, sa kamay ng mga Maute-ISIS.
Nagsimula ang giyera sa Marawi City noong Mayo 23, bisperas ng kapistahan ng Mary Help of Christians. Sinalakay ng mga terorista ang cathedral, dinukot ang mga tao roon, at winasak ang mga imahen.
Oktubre 1 nang nagdaos ng misa ang militar sa St. Mary’s Cathedral, ang unang pagkakataon simula nang sumiklab ang gulo sa Marawi City.
Kasunod ng deklarasyon na tatapusin na ang bakbakan ng Oktubre 17, mas maraming larawan ang lumabas sa online na nagpapakita sa matinding pinsala sa cathedral at sa orihinal na imahen ng Maria Auxiliadora de Marawi, na tinanggal mula sa glass casing nito at walang ulo.
Ang debosyon ni Angeles sa Birheng Maria ang naghikayat sa kanya na humingi ng tulong sa tanyag na iskultor ng bansa, si Ian Vicente. Ito ang naging dahilan ng pagkakabuo ng bagong replica ng imahen ng Maria Auxiliadora de Marawi ng St. Mary’s Cathedral.
Sakto ito sa 38th Grand Marian Procession kahapon, kung saan 100 iba pang imahen ng Birheng Maria mula sa iba’t ibang parte ng bansa, ang nakiisa sa prusisyon.
Ang replica ay ihahandog sa St. Mary’s Cathedral sa Marawi City sa ngalan ng Salesian Society of Saint John Bosco at ng National Shrine of Mary Help of Christians, at lahat ng Bosconians sa buong bansa.