ni Ric Valmonte
PANSAMANTALANG ipinatigil ng Department of Health (DoH) ang dengue vaccination program matapos sabihin ng Sanofi Pasteur na may mas malubha itong epekto sa mga hindi pa nagkaka-dengue. Ang Sanofi Pasteur ay French pharmaceutical na gumawa ng bakuna na tinawag na "Denguevaxia".
Ayon dito, sa bagong pag-aaral, mabibenepisyuhan lamang ng medisina ay ang mga taong nagkaroon na ng dengue. “Pero sa mga hindi pa, kapag nagtagal, mga mas malubhang sakit ang mararanasan ng mga tao sa susunod na maturukan na sila nito kapag nagkasakit na ng dengue,” dagdag nito.
Mahigit 700,000 na ang nabakunahan sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon. Ang problema, hindi ngayon alam ng DoH ang kanilang medical status. Sabi ni Anthony Leachon, miyembro ng DoH expert panel sa dengue na binuo ni DoH Sec. Francisco III, pumalit kay Paulyn Jean Ubial, mahigpit nilang babantayan ang mga ito. Ang ilan sa mga ito, aniya, ay maaaring makaranas ng grabeng dengue. Lahat sila ay mabubuhay sa posibilidad na ito. Nagalit ang mga magulang ng mga batang naturukan ng “Denguevaxia” nang makarating sa kanila ang balitang ito.
Noong Oktubre 2016, nagbanta si Sen. Richard Gordon na paiimbestigahan ang agarang paggamit sa nasabing bakuna kahit hindi tiyak ang epekto nito. Napakalaking bagay kung natuloy ang imbestigasyon. Mabubusisi ang depekto ng medisina at maipababatid sa mamamayan ang panganib nito. Naalerto sana ang mga ginamitan na ng gamot at sila mismo o ang kanilang mga kamag-anak ay nakagawa agad ng hakbang upang mabantayan sila ng DoH.
Sa ngayon, tulad ng inamin ni Leachon, hindi alam ng DoH ang kalagayan ng kanilang kalusugan. O kaya, kung naimbestigahan ang padalus-dalos na pagbakuna, hindi na sana dumami ang sumailalim dito dahil nalaman nila ang panganib nito.
Ito ang problema ng taumbayan sa mga taong nagpapatakbo ng gobyerno. Kapag nagbungguan ang interes ng nga dambuhalang kampanya at ng mamamayan, gagamitin nila ang gobyerno laban sa kanila. Ang gumawa ng gamot kontra dengue ay ang Sanofi Pasteur na isang higanteng kumpanya ng France.
Sa P3.5 bilyon halaga ng gamot, ang nabayaran na ng ating gobyerno ay P3 bilyon. Kaya, ginastos pa ng mga taong gobyerno ang salapi ng mamamayan sa ikapipinsala ng mga ito. Kahit imbestigasyon man lang sa naging transaksiyon ng gobyerno sa Sanofi, upang maipabatid sa kanila ang mapanganib na epekto ng bakuna, ay ipinagkait pa sa kanila. Ganito rin ang ginawa nila sa produktong petrolyo. Sa halip na kontrolin ng gobyerno ang mga dambuhalang kumpanya ng langis sa pagpepresyo nila ng kanilang produkto, pinalaya nila ang mga ito sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law.
Kaya, parang isang sanggol ang taumbayan na itinambog sa lawa at walang magawa kundi kumawag-kawag para lumutang at mabuhay sa ginagawa ng mga dambuhalang kumpanya ng langis. Sa tax reform law, papatawan pa ito ng panibagong excise tax, eh lalong tataas ang presyo ng mga ito. Mapaminsala, sa halip na mangalaga sa kapakanan ng sambayanan, ang mga taong pinagkalooban nila ng kanilang kapangyarihan para patakbuhin ang kanilang gobyerno.