Sinabi kahapon ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na paiimbestigahan niya ang pagbili ng P3.5-bilyon halaga ng dengue vaccine na Dengvaxia na iniulat na posibleng magdulot ng matinding sakit sa mga binakunahan na hindi pa dinapuan ng nasabing karamdaman.
Sinabi ni Aguirre na aatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng fact-finding probe upang alamin ang pananagutan ng mga opisyal sa likod ng dengue vaccine project na inaprubahan ng nakaraang administrasyon.
“I will prepare immediately the appropriate department order. Everybody who has some involvement will be included and appropriate charges will be filed against them if warranted,” aniya sa text message.
Nakasaad sa mga ulat na ang imported vaccine ay ginamit sa mahigit 733,000 estudyante, edad siyam pataas, sa National Capital Region, Region III, at Region IV-A, mga lugar na iniulat na delikado sa dengue.
Sinabi ni Aguirre na nakatanggap na rin siya ng reklamo mula sa mga magulang ng tinurukan ng Dengvaxia vaccine.
“One complained to me that his son who was inoculated of that anti-dengue vaccine in April 2016 is now sick of ‘baby tb’ and his immune system is now very weak and has become a financial burden to them,” ani Aguirre.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ng DoJ, ang dengue vaccination program ay inaprubahan ng nakaraang administrasyon sa kabila ng pagtutol mula sa medical experts dahil sa kakulangan sa certification mula sa World Health Organization (WHO).
Iniulat din na binalaan ang DoH tungkol sa posibleng epekto ng unang dengue vaccine sa mga hindi pa nagkaka-dengue, ngunit inaprubahan pa rin ang programa.
PANANAGUTIN
Siniguro ng Malacañang sa publiko na pananagutin ang mga responsable sa tinagurian nitong “shameless public health scam”.
“We will leave no stone unturned in making those responsible for this shameless public health scam which puts hundreds of thousands of young lives at risk accountable,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
HANDA SA ‘WORST-CASE SCENARIO’
Tiniyak naman kahapon ng DoH na handa sila sa “worst-case scenario” kaugnay ng babala na maaaring magdulot ng matinding epekto ang Dengvaxia.
Ayon kay Health spokesman at Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, bago pa man sila magpasyang gamitin ang Dengvaxia ay nakapagsagawa na sila ng safety measures.
Siniguro rin niya na inaantabayanan ng kagawaran ang anumang posibleng hindi magandang epekto ng bakuna sa mga batang naturukan. - Rey G. Panaligan, Argyll Cyrus B. Geducos, at Mary Ann Santiago