ni Clemen Bautista
ISANG natatangi at mahalagang araw sa mga taga-Cardona, Rizal ang unang araw ng Disyembre sapagkat itinayo at binuksan na ang makukulay na ilaw ng walong Arkong Kawayan na nasa tabi ng gusali ng munisipyo at nakaharap sa simbahan ng Cardona. Ang pagbubukas ng mga ilaw ay pinangunahan ng mga miyembro ng Sanggunain Bayan at ng mga opisyal mula sa walong barangay sa kabayanan na roon nagmula ang mga Arkong Kawayan. Ito ay bahagi na ng pagdiriwang ng Pasko sa Cardona.
Ang walong Arkong Kawayan ay nagmula sa walong barangay sa Cardona, partikular na sa Barangays Dalig, San Roque, Real, Looc, Iglesia, Del Remedio, Patunhay, at Calahan. Ang mga opisyal ng barangay at mga mamamayan sa nasabing mga barangay ang tulung-tulong sa paggawa ng Arkong Kawayan. May taas na 15 talampakan at may iba’t ibang disenyo na pawang gawa sa kawayan. Sinisimulan ang paggawa ng mga Arkong Kawayan tuwing Oktubre at Nobyembre. Pagsapit ng Nobyembre 30, magkakatulong na inilalagay sa tabi ng munisipyo at nakaharap sa simbahan.
Ang pagbubukas ng makukulay na ilaw ng Arkong Kawayan ay isinasagawa tuwing unang araw ng Disyembre. Dinadaluhan at sinasaksihan ng mga mamamayan ng Cardona at maging ng mga nakatira sa mga karatig-bayan. Ika-21 taon na itong isinasagawa.
Ang pagpapailaw ay sinimulan ni dating Cardona Mayor Bernardo San Juan, Sr. (ama ng kasalukuyang alkalde ng Cardona na si Mayor Benny San Juan, Jr.) noong 1996. Pangunahing layunin nito ay maipakita at mapagyaman ang pagiging malikhain ng mga mamamayan sa barangay.
Ito ay sinimulan noong Disyembre 1, 1996 at magmula noon ay ipinagpatuloy ng mga nanunungkulan sa Cardona Ang walong Arkong Kawayan ay isa nang tourist destination tuwing sasapit ang Disyembre. At tuwing Simbang Gabi, ang liwanag ng Arkong Kawayan ay nakakadagdag-sigla at kasiyahan sa mga dumadalo ng Misa de Gallo sa simbahan ng Cardona.
Ayon kay Cardona Mayor Benny San Juan, Jr., natutuwa siya sapagkat ang sinimulan ng kanyang ama ay ipinagpatuloy ng mga namumuno sa Cardona. At sa pakikipagtulungan ng mga nakatira sa walong barangay, naging bahagi na ito ng tradisyon sa Cardona.
Ang Arkong Kawayan ay masasabing isa nang pagkakakilanlan ng Cardona na ang mga mamamayan ay may matibay na pagpapahalaga sa namanang tradisyon at kultura.