Nanawagan kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa New People’s Army (NPA) na sumuko na lang kung ayaw nilang magaya sa kanilang mga kasamahang napatay sa pinaigting na operasyon ng militar.
Inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Marine Colonel Edgard Arevalo na habang umaasa silang mas maraming miyembro ng NPA ang susuko sa mga susunod na araw, ipagpapatuloy ng mga sundalo ang kanilang mga operasyon laban sa mga rebelde, na nananatiling aktibo sa mararahas nitong aktibidad laban sa pulisya at militar, sa publiko, at sa komunidad.
Sinabi ni Arevalo nitong Martes, na napatay ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force at ng Nasugbu Municipal Police ang 15 miyembro ng NPA.
Kabilang sa mga napatay ay secretary ng NPA Guerilla Unit 3 at isang platoon leader. Dalawa sa mga sundalo ang nasugatan sa engkuwentro, kasabay ng pagkakarekober sa 12 matataas na kalibre ng armas.
Limang sundalo ang nasugatan sa bakbakan, pero maayos na ngayon ang lagay.
Naging matagumpay ang pinakabagong operasyon ng militar ilang araw makaraang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Presidential Proclamation No. 360, na nagkakansela sa peace talks ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines- National Democratic Front (CPP-NDF)-NPA.
“Prior to the President’s proclamation, we have been actively conducting counterinsurgency operations against the NPA since the peace negotiations broke down in February 4,” ani Arevalo.
Nitong Nobyembre lamang ay aabot sa 119 na rebelde ang na-neutralize ng AFP, 21 ang napatay sa operasyon, 29 ang inaresto, at 69 ang boluntaryong sumuko. Nakakumpiska rin ang tropa ng gobyerno ng 62 high-powered at low-powered firearms mula sa mga rebelde noong nakaraang buwan. - Francis T. Wakefield