Ni: Fer Taboy at Nonoy Lacson

Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinalaya na ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang anim na kataong dinukot ng mga ito 16 na araw na ang nakalipas sa Patikul, Sulu.

Kinumpirma sa report na inilabas ni Joint Task Force (JTF)-Sulu commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na bandang 2:00 ng hapon nitong Biyernes nang pinalaya ng mga bandido ang anim nitong bihag sa Sitio Buhawan-Buahawan, Barangay Latih sa Patikul.

Kinilala ni Sobejana ang mga pinalaya na sina Jessie Trinidad, 53; Marissa Trinidad, 54; Jimmy Trinidad, 21; Lucy Hapole, 21; isang 14-anyos na lalaki; at isang pitong taong gulang na lalaki, na pawang taga-Kalimayahan Village, Bgy. Latih, Patikul.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kinumpirma ni Sobejana na pinalaya ang mga biktima “unconditionally” o walang binayarang ransom, dahil pawang pangkaraniwang residente lang ang mga ito, o walang kaya sa buhay.

Matatandaang puwersahang tinangay ng pitong armadong lalaki na nakasuot ng bonnet ang anim na biktima bandang 8:00 ng gabi nitong Nobyembre 14 mula sa kani-kanilang bahay sa Bgy. Anuling sa Patikul.

Ayon pa sa militar, ang mga suspek sa pagdukot ay pinangunahan ni Roger Samlahon, ng Ajang Ajang Group.

Samantala, isang Abu Sayyaf fighter ang sumuko sa JTF-Sulu nitong Biyernes ng gabi sa Bgy. Bacaan, Banguingui, Sulu.

Bitbit ni Hussin Aranain, alyas “Friend”, ang isang armalite rifle na may magazine at mga bala nang sumuko sa militar.