Bibili ang Department of Transportation (DOTr) ng 120 Light Rail Vehicles (LRVs) para sa 12-kilometrong south extension project ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) mula Baclaran hanggang Bacoor, Cavite.
Lumagda na sa kasunduan sina Transportation Secretary Arthur Tugade at Mitsubishi Corp. Senior Vice President Tetsuji. Sinaksihan ito nina Ambassador of Spain Luis Calvo Castano, mga kinatawan mula sa Embassy of Japan, Japan International Cooperation Agency (JICA), Light Rail Manila Corporation, at matataas na opisyal ng DOTr.
Ang 120 LRVs ay idinisenyo na may four-LRV configuration at bawat train set ay may kapasidad na 1,388 pasahero, energy efficient at low maintenance.
Target ng DOTr na mai-deliver sa bansa ang unang apat na LRVs sa Agosto 31, 2020, at ang 40 nalalabing LRVs sa Disyembre 31, 2020. Inaasahang makukumpleto ng Mitsubishi Corp. ang delivery ng 120 LRVs sa Disyembre 31, 2021.
Nasa final design stage at pre-construction activities na ang LRT-1 Cavite Extension Project. Nakatakdang sisimulan ang konstruksiyon sa 2018, at inaasahang makukumpleto bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Unang inaprubahan ng NEDA-ICC ang proyekto noong 2000 bilang unsolicited proposal, at kalaunan ng NEDA Board noong 2012 at 2013, bilang combined Public Private Partnership (PPP) at Official Development Assistance (ODA) project.
Nabigo ang unang bidding para sa 120 LRVs mula Oktubre 2015 hanggang Pebrero 2016 na lalong nagpaantala sa proyekto. Nang maupo sa posisyon si Tugade, ipinursige niyang matuloy na ito. - Mary Ann Santiago