Ni: Reggee Bonoan
NAKAKAPANGILABOT ang trailer ng Ang Panday na kasalukuyan nang ipinalalabas ngayon sa mga sinehan. Natiyempuhan namin ito sa Robinson’s Magnolia Cinema 3 nang panoorin namin ang Unexpectedly Yours nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Napa-wow ang mga katabi namin, maganda raw ng special effects na tama rin naman kaya malamang na bentang-benta ito sa mga bata.
Binigyan na ni Coco Martin ng bagong bihis si Panday dahil naka-motor na at naka-leather jacket habang sinasagupa ang kakaibang mga nilalang sa MRT. Grabe, updated na si Panday!
Ang galing-galing din ni Jake Cuenca bilang si Lizardo. Nakakainis talaga si Jake na dati nang kinamumuhian sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin kaya naman at parang itinutuloy lang niya sa Ang Panday at si Coco naman ang biktima niya.
Sa Disyembre 25 na mapapanood ng lahat ang Ang Panday na mula sa direksiyon ni Rodel Nacianceno. Yes, tunay na pangalan ni Coco ang ginamit niya bilang direktor.