Ni: Fer Taboy
Patay ang isang university president, na pangulo rin ng Philippine Association of States Universities and Colleges (PASUC), makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa Golden Glow North Village sa Barangay Upper Carmen, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, kahapon ng madaling araw.
Kasabay nito, bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) na tututok sa imbestigasyon sa pamamaslang kay Dr. Ricardo E. Roturas, 48, president ng PASUC, at pangulo ng University of Science and Technology of Southern Philippines (USTSP).
Sinabi ni Senior Supt. Robert Roy Bahian, hepe ng COCPO, na nanggaling sa isang Christmas Party si Roturas nang abangan ng dalawang suspek at pagbabarilin habang sakay sa kanyang kotse sa Golden Glow North Village sa Bgy. Upper Carmen.
Kaagad na nasawi si Roturas dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan mula sa .45 caliber pistol.
Sinabi ni Senior Supt. Bahian na makikipag-ugnayan ang SITG sa pamilya ng biktima upang matukoy kung sino ang posibleng nagpapatay sa biktima.