KINIKILALA ng maraming celebrities ang kani-kanilang ina bilang malaking bahagi ng kanilang tagumpay, at ngayon ay may pagkakataon nang mabasa ang mga kuwento ng mga super nanay na ito pati na rin ang iba pang sorpresang kuwento tungkol sa kani-kanilang anak sa bagong libro ni Niña Corpuz na How To Raise A Superstar mula sa ABS-CBN Publishing.

Niña Corpuz 2 copy

Pinagsikapang makapanayam ni Niña ang ina ni Kathryn Bernardo na si Min, ang ina nina Alex at Toni Gonzaga na si Mommy Pinty, ang ina ni Sen. Manny Pacquiao na si Mommy Dionisia, at ang ina ni Daniel Padilla na si ‘Queen Mother’ Karla Estrada. Pinagsama-sama niya ang mga kuwento nila sa pinakahihintay na parenting book.

Layunin ng proyektong ito na magbahagi ng tips mula mismo sa mga kilalang ina na pinaniniwalang nag-ambag ng malaking bahagi sa tagumpay ng kani-kanilang anak.

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

“Pinili namin sila dahil sila ay madalas makita o mapag-usapan tulad na lamang ng kanilang mga anak. Ngayon maririnig natin ang kanilang bersiyon ng kuwento at malalaman kung masasabi ba nilang totoo ang kasabihang ‘mother knows best,” ayon sa may-akda.

Kikilalanin sila bilang certified super nanay.

“Pagkatapos n’yong mabasa ang libro, mapagtatanto n’yo na ang mga tao sa likod ng mga superstars ngayon at superstars ding maituturing. Super Moms, at maraming puwedeng matutunan mula sa kanilang mga karanasan,” pagbabahagi ni Niña na ina na rin ngayon ng kanyang tatlong tsikiting.

Tampok sa libro kung paano pinalaki ni Mommy Pinty ang versatile stars na sina Alex at Toni, pati na rin ang ilan sa kanyang tips para sa mga magulang at anak na gustong pasukin ang mundo ng showbiz.

Nagkuwento naman si Mommy D kung paano niya pinalaki ang isang boxing champion, at kung paano nakatulong ang pagdarasal sa kanyang pagkakaroon ng mabubuti at masunuring mga anak.

Nagbigay naman ng mga bagong kuwento sina Karla at Min kung paano nila pinalaki ang teen king and queen na sina Daniel at Kathryn, at nagbahagi rin ng 10 fast facts tungkol sa dalawa.

Ang libro ay hindi lamang para sa mga ina na gustong sumikat ang kanilang anak. Ito ay magbibigay inspirasyon din sa mga anak sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap at magbibigay ng lakas ng loob sa pagtanggap ng kabiguan. Mababasa rin sa aklat ang payo ng TV host at talent manager na si Boy Abunda at tips mula sa behavioral pediatrician na si Dr. Francis Xavier Dimalanta.

Ang How To Raise A Superstar ay mula sa ABS-CBN Publishing kasama ang Working Mom. Magiging available ito sa leading bookstores at newsstands sa halagang P225.