NI: Vanne Elaine P. Terrazola

Magsasagawa ng pagdinig ang Senado tungkol sa pinaplanong jeepney modernization program ng gobyerno kung saan mas akmang ilahad ng mga public utility jeepney (PUJ) drivers at operators ang kanilang hinaing laban sa nabanggit na programa, kaysa magsagawa na naman ng panibagong tigil-pasada.

Ito ang sinabi kahapon ni Senator Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services, matapos siyang umapela sa Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at sa No to Jeepney Phase Out Coalition na huwag nang ituloy ang ikinasang dalawang-araw na transport strike bukas at sa Martes, Disyembre 4 at 5.

“I am appealing to transport groups PISTON and the (No to) Jeepney Phaseout Coalition to reconsider and call off their planned strike and instead sit down with us in the committee so that the Senate can hear their concerns regarding the proposed jeepney modernization program of the government,” mensahe ni Poe sa mga grupong magtitigil-pasada. “I understand that certain issues in the modernization program still need to be carefully studied and threshed out with the concerned government agencies.”

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sinabi ni Poe na ihahain niya bukas, Lunes, ang resolusyon para magsagawa ng “urgent” na pagdinig upang talakayin ang problema ng mga jeepney driver at operator laban sa modernization program.

Plano rin niyang magsagawa ng Public Services committee hearing sa Huwebes, Disyembre 7.

“Their (PUJ sector) problems are not theirs alone, but that of the entire nation that depends on the kind of public transportation they offer. Let us sit down and talk, and find ways to move forward with solutions that are socially just and feasible,” sabi pa ni Poe.

Ang tigil-pasada bukas at sa Martes ay ikatlo na ng PISTON, na ang huli noong Oktubre ay nagbunsod ng suspensiyon ng trabaho sa gobyerno at klase sa mga paaralan sa buong bansa.