NI: Gilbert Espeña

NAKOPO ng Team Philippines ang 19 gold medals sa pagtatapos ng standard event nitong Huwebes at tiyak na mas marami pang medalya ang mapapanalunan sa rapid at blitz events sa pagpapatuloy ng 18th ASEAN Age Group Chess Championship sa Grand Darul Makmur Hotel sa Kuantan, Pahang, Malaysia.

Pinangunahan nina Woman Candidate Master Kylen Joy Mordido, Jerlyn Mae San Diego, Michael Concio Jr. at Daniel Quizon ang listahan ng mga gold medalist na kinabibilangan nina Al Basher-Buto, Kaye Lalaine Regidor, Mecel Angela Gadut, Venice Vicente at Jeth Romy Morado.

Tinalo ni Mordido si Syed Adnan Sharifah Nur Izzat ng Malaysia sa eight at final round para tumapos ng unbeaten record na 7.5 puntos, 2.0 puntos ang kalamangan kina Ho Chen Ee ng Malaysia, WFM Christine Elisabeth ng Indonesia at kababayang si Queenie Mae Samarita.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kasama nina Mordido at Samarita si Bea Mendoza sa pagtala ng combined scores 18.0 puntos para makopo din ang team gold sa Girls 16 and under.

Tinalo ni San Diego si Vidhya Mahindran ng Malaysia tungo sa total 7.0 puntos sa Girls 12 and under matapos ang walong laro, iskor na naitala din ni Laysa Latifah ng Indonesia, panalo kay Zhiwei Ong ng Malaysia. Sina San Diego at Mahindran ay kapwa nagkamit ng gold medal habang nakuha naman ni Krisen Yochabel Marie Sanchez ang silver medal na may 5.5 puntos, kaparehas ng naitala ni Samantha Babol Umayan na nagkasya sa bronze medal.

Sina San Diego, Sanchez at Umayan ang nag-uwi din ng gold sa standard team na may total combined scores na 18.0 puntos.

Nakasikwat naman ni Concio ang titulo ng Boys 12 and under sa pagtipon ng kabuuang 7.5 puntos. Sumegunda naman si Budhidharma Nayaka ng Indonesia na may 7.0 puntos para sa silver medal. Naiuwi naman nina Mark Jay Bacojo at Gabriel John Umayan ang bronze medal na kapwa nakapaglikom ng tig 6.0 puntos. Sina Concio, Bacojo at Umayan din ang nagwagi sa team event ng Boys 12 and under an may total scores na 19.5 puntos.

Hindi naman nagpahuli si Quizon nang kunin ang korona ng Boys 14 and under na may naipong 6.5 puntos.Nakasama niya sina Justine Diego Mordido (5.5 pts) at Jave Mareck Peteros (4.5 pts) sa pagkuha ng team gold sa total combined 17.0 puntos.