Ni REGGEE BONOAN
TAOB sa ratings game ang bagong programang tumapat sa La Luna Sangre na nagtala ng 10.3% kumpara sa Kambal Karibal ng GMA-7 na nakakuha ng 8.5% sa pilot episode sa AGB Nielsen.
Hindi na talaga bibitiwan ng manonood ang LLS dahil lumantad na si Jacintha Magsaysay (Angel Locsin) bilang si Lia na ina ni Malia (Kathryn Bernardo) na bagong Itinakdang para tumapos sa kasamaan ni Sandrino/Supremo/Gilbert Imperial (Richard Gutierrez).
Sa umereng episode ng La Luna Sangre nitong Biyernes, kinailangang saktan ni Jacintha/Lia (Angel) ang anak na si Malia para lumabas na ang kapangyarihan nito at naging lobo nga ang huli at nagawa niyang itumba ang ina.
Nang akmang susugurin na ng bagong Itinakda si Jacintha ay saka naman tinawag nitong ‘anak’ na ikinatulala ni Malia kasama na ang lahat ng miyembro ng La Liga Unida o LLU sa pangunguna ni Baristo (Joross Gamboa).
Naging emosyonal sina Malia at Lia at nagyakapan pero sa kabilang banda ay sinaktan ng huli ang anak para maging matigas ang puso nito.
Ayon kay Lia ay hindi pa rin lubos na lumalabas ang kapangyarihan ng anak kaya humihingi siya ng tulong sa bilog na buwan.
Sa kabilang banda, palaisipan naman kay Sandrino/Supremo/Gilbert kung bakit alam ni Tristan (Daniel Padilla) ang awiting kinakanta niya noong ipinagbubuntis siya ng nanay niya.
Kanya-kanyang hulaan din ang mga nanonood ng La Luna Sangre na ang tunay na ama ni Tristan ay si Sandrino/Supremo/Gilbert at hindi palang din lumalabas ang kapangyarihan nitong bampira.
Cliffhanger sa Friday episode ang pagiging lobo ni Malia at makakawala naman na sa kinaroroonang ataul si Tristan.
So, paano mo nga naman bibitiwan ang kuwento ng La Luna Sangre sa nalalapit ng pakikipagtutuos nila kay Sandrino/Supremo.