Ni MARY ANN SANTIAGO, May ulat ni Vanne Elaine P. Terrazola

Tiniyak kahapon ng Department of Education (DepEd) na isasailalim nito sa masusing monitoring ang kondisyon ng mga estudyanteng nabigyan ng dengue vaccine na Dengvaxia, sa ilalim ng school-based dengue vaccination program ng pamahalaan.

Ginawa ng DepEd ang pagtiyak kasunod ng pag-amin kamakailan ng Sanofi Pasteur—ang manufacturer ng kauna-unahang bakuna kontra dengue sa mundo—na ang Dengvaxia ay ligtas at nakapagbibigay ng proteksiyon sa nasabing nakamamatay na sakit kung ituturok sa mga dati nang dinapuan ng dengue, ngunit maaari namang magdulot ng mas malalang dengue infection sa mga hindi pa tinamaan ng naturang sakit.

“As the health and safety of our learners are of principal importance, the Department of Education (DepEd), in close coordination with the Department of Health (DoH), will monitor the condition of learners who have been administered with the dengue vaccine Dengvaxia,” saad sa pahayag ng DepEd, na pinamumunuan ni Secretary Leonor Briones.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na aktibo ring makikibahagi ang kagawaran sa pagrerebyu at konsultasyon ng Department of Health (DoH) sa dengue vaccination program.

Matatandaang ipinatigil na ng DoH ang pagbabakuna sa mga kontra dengue kasunod ng inilabas na bagong analysis ng Sanofi Pasteur sa Dengvaxia.

Batay sa record, mahigit 730,000 mag-aaral na may edad siyam pataas mula sa National Capital Region (NCR), Regions 3 at 4-A, ang nabigyan ng unang dose ng Dengvaxia, nang ilunsad ng DoH ang programa noong 2016, sa ilalim ng pamumuno ni dating Health Secretary Janette Garin.

Nanindigan naman si Garin na ligtas ang Dengvaxia, at iginiit na tumalima ang DoH sa mga batayan ng World Health Organization (WHO) sa pagbabakuna kontra dengue, at wala rin silang naitalang anumang masamang epekto nito sa mga batang nabakunahan.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na nagpasya ang DoH na itigil ang paggamit sa Dengvaxia habang isinasailalim pa ito sa masusing assessment.

Kaugnay nito, nais ni Senator Joel Villanueva na papanagutin ang mga opisyal ng DoH at ang Sanofi Pasteur dahil sa umano’y kapabayaan sa paggamit ng Dengvaxia.

“We should hold the appropriate DoH officials responsible for haphazardly allowing the vaccine to be administered to students, without extensive due diligence on the effects of the drugs and without waiting for the results of comprehensive clinical trial,” saad sa pahayag ni Villanueva. “Sanofi should also be made accountable for their haphazard release of the drugs without complete and proper clinical studies.”