Ni LIEZLE BASA IÑIGO

Patay sa tama ng bala sa ulo ang konsehal ng bayan ng Baggao sa Cagayan matapos na lusubin at paulanan ng bala ng mga rebelde ang kanyang bahay sa Barangay Awallan, kahapon ng umaga.

Iniulat ni Chief Insp. Emil Pajarillo, hepe ng Baggao Police, sa Balita na kagagaling lang ni Angelo Luis, nasa hustong gulang, sa pagtatrabaho sa bukid nang mangyari ang pamamaril dakong 7:10 ng umaga kahapon.

“Namamahinga siya sa kubo dahil napagod sa bukid nang sumulpot ang nasa 20 miyembro umano ng New People’s Army (NPA) tsaka pinutukan siya sa ulo,” sinabi ni Pajarillo sa panayam.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa paunang imbestigasyon, nabatid na basyo ng M-16 at M-14 rifles ang ginamit para iligpit si Luis.

Samantala, sa ipinadalang mensahe sa isang lokal na himpilan ng radyo sa Cagayan ay inako ng NPA East Cagayan ang pagpatay sa bokal.

Nakasaad sa sulat umano ng NPA: “Pinarusahan ng Henry Abraham Command- New People's Army (HAC-NPA) East Cagayan si Hon. Angelo ‘Buridik’ Luis, isang sagad-sagaring kaaway ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan, noong Disyembre 2, 2017 sa Barangay Awallan, Baggao, Cagayan, sa dakong alas siyete ng umaga.”

Napaulat na nagsilbi umanong pangunahing paniktik si Luis ng Military Intelligence Group (MIG) sa buong Region 2 bilang undercover agent, na ginamit ang katungkulan bilang Board Member para pagtakpan umano ang pangangalap ng impormasyon at paniniktik sa NPA at sa mamamayan.

Sinabi ng NPA na pinarusahan at dinisarmahan nila ang konsehal dahil sa malaking kaugnayan nito sa laganap na patayan, pagkakahuli ng mga lider-masa ng mga organisasyon ng magsasaka, at paglabag sa karapatang pantao sa Cagayan.

Dagdag pa, anang NPA, ang malawakang pang-aagaw ng lupa at pandarambong umano ni Luis sa kaban ng bayan.

Kabilang umano sa mga armas na nasamsam mula kay Luis ang dalawang .45 caliber pistol, isang backshot long, isang scope ng M4, isang .22 caliber, at mga dokumento ng MIG.