Ni: Clemen Bautista
SINASABING ang Pilipinas ang maaga at may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Pagpasok pa lamang ng Setyembre, maririnig na ang mga awiting pamasko. At pagsapit ng Oktubre at Nobyembre, isa-isa nang naglilitawan ang mga palamuting pamasko.
Sa kalendaryo ng Simbahan, ang Pasko ay inihuhudyat ng ADVIENTO o ADVENT. Ito’y karaniwang nagaganap sa huling Linggo ng Nobyembre o sa unang Linggo ng Disyembre. Depende sa pagwawakas ng liturgical calendar year ng Simbahan. Ngayong 2017, ang liturgical calendar ay nagwakas noong Nobyembre 25, na pagdiriwang naman ng kapistahan ng Christ the King o Kristong Hari. At ang unang Linggo ng Adviento ay nagsisimula ngayong Disyembre 3, 2017.
Ang Adviento ay hango sa salitang Latin na “ADVENTUS” na ang kahulugan ay paghahanda o pagdating. Simula ng paghahanda sa darating na Pasko na makahulugan at makulay na ipinagdiriwang tuwing Disyembre 25.
Ang apat na Linggo ng Advent ay tinatampukan ng pagsisindi ng apat na kandila na nakalagay sa “Advent wreath” o korona na naiilawan ng Christmas lights malapit sa altar ng simbahan. Sa pagsapit ng bawat Linggo ng Adviento, sinisindihan ang isang kandila. Sa mga parokya, lalo na sa mga bayan at lalawigan, ang pinipiling magsindi ng kandila ay ang mag-asawa sa parokya. Matapos sindihan ang advent candle, may binabasang maikling panalangin ang babae o lalake na nagsindi ng kandila.
Ang apat na kandila ng Adviento ay may sagisag o simbolo. Ang unang kandila ay sagisag ng Pag-asa na paghahanda sa pagsilang ng Mananakop. Ang ikalawang kandila ng Adviento ay sagisag naman ng Pag-ibig. Ang ikatlong kandila ng Adviento na kulay pink o rosas ay sagisag naman ng Kagalakan. Ang ikatlong Linggo ng Adviento ay tinatawag na GAUDETE SUNDAY o Linggo ng Kagalakan. Ang ikaapat na kandila ng Adviento ay sagisag naman ng Kapayapaan.
Ang Advent wreath na kinalalagayan ng apat na kandila ng adviento, na ang tatlo ay purple at ang ikatlo ay kulay rosas, ay sagisag o simbolo naman ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos. At ang mga kandilang may ningas ay nagpapahayag ng kagalakan at pagpaparangal sa Diyos. May ilang Kristiyano na naniniwala na ang ningas ng mga kandila ay sumasagisag kay Kristo na liwanag ng daigdig.
Bukod dito, ang mga pari na nagmimisa sa panahon ng Adviento ay nagsusuot ng purple vestment at maging sa iba’t ibang ritwal sa simbahan. Pati sa kanilang mga homily ay laging ibinabatay sa mga hula ni Isaiah. Tinatawagan ang mga nagsisimba na maghanda sa pagdating ni Kristo--ang Dakilang Mananakop. Hinihiling na magbago para sa kanilang kabutihan.
Walang nakababatid na kung kailan nagsimula ang liturgical Advent ngunit sinasabi ng Simbahan na ito’y ibinatay sa isang synod o sinodo (pagpupulong) sa Saragosa, Spain noong 180 B.C. Ang Council of Saragosa noon ay nagsabi na ang Advent ay paghahanda sa kapistahan ng Epiphany o Tatlong Hari. At ayon sa ibang historian, ang observance ng Advent ay mababasa sa mga liturgical book sa Spain at France noong ikaapat na siglo.