SA maraming bansa, ang unang Linggo ng Adbiyento ngayon ay sumisimbolo ng pagsisimula ng Kapaskuhan. Sa una sa apat na Linggo ng Adbiyento, ang unang kandila ng Pag-asa ay sinisindihan sa Advent Wreath, at sa mga susunod na Linggo ay sisindihan naman ang kandila ng Pag-ibig, Kaligayahan, at Kapayapaan. Ang kandila sa gitna ay ang kandila ni Kristo.

Sisindihan ito sa mismong Araw ng Pasko.

Para sa mga Pilipinong Kristiyano, ang Pasko ang pinakapaborito at pinaka-ipinagdiriwang sa lahat ng okasyon sa buong taon. Bago pa ang Linggo ng Adbiyento, sa unang araw pa lamang ng Setyembre ay nagsisimula nang pumailanlang ang mga awiting Pamasko. Nagsusulputan na din ang mga higanteng Christmas Tree sa mga plaza at shopping mall sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa unang linggo ng Nobyembre. Naghilera rin ang mga tradisyunal na parol sa gilid ng mga lansangan at sa harap ng kabahayan sa mga bayan at siyudad.

Isa sa mga pinakamatandang kapistahan sa Pilipinas tuwing Pasko ay ang paggandahan ng higanteng parol sa mga barangay ng San Fernando sa Pampanga. Nariyan ang tradisyunal na hugis bituing parol na binuo sa dalawang palapag ang taas at napapalamutian ng malilikot na ilaw, ipinarada sakay sa mga truck at may kasunod ng banda ng musiko habang naglilibot sa mga baryo, bago ihihilera para sa pagili ng mananalo. Isang bago pero patok nang aktibidad ang “Belenismo” sa Tarlac, kung saan nagpapagandahan ng kani-kaniyang Belen ang mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan.

Inilunsad nitong Biyernes sa Baguio City ang “Silahis ng Pasko Mardi Gras” sa Session Road. Mistula bang bawat bayan ay may kani-kanyang paraan ng pagdiriwang ng Pasko.

Subalit ang Pasko ay isang tunay na relihiyosong okasyon. Maaaring iniuugnay ito ng mamamayan sa panahon ng pagdiriwang dahil sa mga kumukutikutitap na liwanag, masasayang awitin, mga pagtatanghal sa mga paaralan, parada ng naggagandahang parol, mga awiting Pamasko, kainan, at pagpapalitan ng mga regalo, kaya naman nakakalimutan na nila ang tunay na dahilan ng okasyon. At ito ay ang pagsilang ni Kristo sa Araw ng Pasko. Binigyang-diin ito sa mga ritwal ng Linggo ng Adbiyento ngayon at sa susunod pang tatlong Linggo.

Sa Disyembre 16, isa pang pinakaaabangang tradisyon ng mga Pilipinong Kristiyano ang masasaksihan kung kailan nag-uumapaw sa mga deboto ang mga simbahan upang dumalo sa una sa siyam na Simbang Gabi. Magtatapos ang mga misang ito sa Disyembre 24. Susundan ito ng Bisperas ng Pasko pagsapit ng hatinggabi, at magtatapos sa Araw ng Pasko.

Tunay na napakasaya ng okasyong ito sa ating bansa subalit hindi natin dapat na kalimutan ang katotohanan na isa itong relihiyosong okasyon. Magsisimula tayo sa Linggo ng Adbiyento ngayon, na may temang Pag-asa at Paghihintay, na susundan sa mga susunod na Linggo ng Pag-ibig, Kaligayahan, at Kapayapaan. At sa Disyembre 25, ipagdiriwang natin ang araw ng pagsilang ni Kristo sa Bethlehem na hudyat ng pagsisimula ng isang misyong magpapabago sa buong mundo.