TIYAK na magiging pamantayan ang performance ng NU Pep Squad sa kanilang pagtatangkang makopo ang record-tying na ikalimang sunod na championship ngayong hapon sa pagdaraos ng UAAP Season 80 Cheerdance Competition sa MOA Arena sa Pasay.

Batay sa order of performance, unang sasalang ang NU Pep squad sa kompetisyon na muling makukumpleto ngayong taon sa pagbabalik ng University of the Philippines simula 1:00 ng hapon.

Kampeon mula noong Season 76, tatagkain ng NU na pantayan ang rekord na hawak ng University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe na limang sunod na cheerdance title mula noong 2002 hanggang 2006.

Inaasahang magsisikap upang pigilan ang target ng NU ay ang may hawak ng rekord na UST at ang nagbabalik na UP Pep Squad na tatangkaing agawin ang titulong huli nilang nahawakan noong 2012.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi lumahok ang UP noong Season 79 Cheerdance Competition bilang pagpapakita ng kanilang protesta sa naging resulta noong Season 78.

Noong 2015, kung saan nakamit ng NU Pep Squad ang kanilang ikatlong sunod na titulo, pumangatlo lamang ang UP kasunod ng pumangalawang UST na hindi ikinatuwa ng Diliman -based Pep squad.

Kaya naman inaasahan ang kanilang pagbawi ngayong taon.

Bukod sa UP at UST, inaasahan ding magiging mahigpit na katunggali ng NU ang last year’s second-placer FEU Cheering Squad at third-placer Adamson Pep Squad. - Marivic Awitan